Home OPINION ‘PUSA’ SINIBAK SA‘BUWAYA FARM’

‘PUSA’ SINIBAK SA‘BUWAYA FARM’

1
0

MARAMING beses nang inakusahan ng taumbayan ang Kongreso bilang pugad ng mga “buwaya” na ang kahulugan ay mga politikong inuuna ang pansariling interes kaysa kapakanan ng bayan.

Totoo man o hindi ang bansag na ito, isang bagay ang malinaw at hindi ito nagmula sa imahinasyon lamang ng mamamayan sa halip ay bunga ito ng matagal nang pagkadismaya ng publiko sa ilang mambabatas na nasasangkot sa mga kontrobersiya ngunit nananatiling nakaupo sa pwesto.

Kaya naman maraming nagtatanong ngayon: bakit si Cavite Rep. Kiko Barzaga ang napatalsik?

Ayon sa kanyang mga tagasuporta, hindi siya inakusahan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Wala rin umanong usapin ng ‘conflict of interest’. Kung gayon, bakit tila mas mabilis ang naging aksyon laban sa kanya kaysa sa iba pang mga mambabatas na mas mabibigat ang mga alegasyong kinaharap?

Dito pumapasok ang mas malaking tanong: katarungan ba ang nanaig o kapangyarihan ng mayorya?

Nang bumoto ng “No” sina Representatives Egay Erice at Richard Gomez laban sa expulsion, ipinakita nilang may mga mambabatas pa ring handang manindigan kahit taliwas sa agos. Ngunit kakaunti sila. Nanaig ang bilang. Nanaig ang mayorya.

Sa mga bumoto ng “YES” ang komento ni Palawan Rep. Jose Alvarez na sumasalamin sa damdamin ng mga buwaya sa Kongreso “KIKO, PUSANG INA MO.” Pero marami ang nagreact, lalo na mga kabataan, sa komento ni Alvarez at ito ang kanilang sagot “BUWAYA KA NG INA MO!”

Sa demokrasya, mahalaga ang boto ng nakararami. Ngunit kapag ang mayorya ay ginagamit upang patahimikin o alisin ang isang halal na kinatawan nang hindi kumbinsido ang publiko sa dahilan, nagiging mapanganib ito. Ang tawag dito ng ilan ay “tyranny of the majority.”

Marahil kaya tumatak sa isip ng marami ang simbolismo ng “pusa” at “buwaya.” Ang isyu ay hindi kung pusa nga ba si Barzaga o buwaya ang iba. Ang tunay na tanong ay kung bakit tila mas madaling alisin ang isang mambabatas kaysa panagutin ang mga opisyal na matagal nang inuusig ng mga alegasyon ngunit nananatiling protektado ng impluwensya at kapangyarihan.

Dapat ipaliwanag ng Kamara sa sambayanan kung bakit ito ang naging prayoridad nito. Ang kongresista ay kinatawan ng kanyang nasasakupan kaya paano maririnig ngayon ang distrito ni Barzaga sa Cavite?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here