NAGPAPASALAMAT nang buo ang Lupa’t Langit sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee subcommittee ukol sa flood control scandal ng nakalipas na tatlong taon ng administrasyong Marcos.
Bagaman hinarang sila sa una, pinagbuksan pa rin sila ng mga opisyal at tao ng Senado.
Hindi rin sila pinatayan ng kuryente, sound system at internet kaya nasusubaybayan ng taumbayan ang buong kaganapan…ang pagsasalaysay ng 18 ex-Marines at sundalo ukol sa male-maletang kikbak ng matataas o pinakamatataas na opisyal ng bayan sa Palasyo at Kongreso.
Kasama na rito ang mga miyembro ng Makabayan bloc.
Nagpapasalamat din tayo na kinoberan ng lahat ng media ang mga pangyayaring ito at nakaaabot sa buong mundo ang mga aktuwal at tunay na balita sa usapin.
Ipinagtataka lang natin, mga brad, na walang sinomang nasa grupo nina Senador Tito Sotto ang dumalo sa kabila nang pagbibigay sa kanila ng grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Maging ang mga isinasangkot na dalawang senador sa pagtanggap ng male-maletang salaping kikbak.
Ito’y para harapan nilang pasinungalingan ang mga salaysay ng ex-Marines at sundalo.
Napakaganda ring usapin ang sinasabi ng National Bureau of Investigation na binigyan ang mga Marines at sundalo ng tig-P5 milyon ni dating Congressman Mike Defensor bilang suhol para tumestigo sa SBRC investigation.
Bawat isa sa mga resource person ay pinabulaanan at hinamon ang source ng NBI na magpakita sa Senado at patunayan ang katotohanan dito.
Sabi ng mga resource person, ang totoo, sila’y naghihirap ngayon sa kawalan ng kita at may namatayan pa ng kapatid sa sakit na kanser dahil walang pampagamot.
Sana, magpapatuloy ang imbestigasyon hanggang sa lumabas na ang buong katotohanan sa malakihang kikbakan na ikinamamatay, ikinahihirap at ikinawawalan ng kinabukasan ng buong bayan.






