Home METRO 59-anyos na biyuda, itinumba

59-anyos na biyuda, itinumba

ILOCOS SUR-Tigok ang isang 59-anyos na biyuda matapos pagbabarilin sa Brgy. Libtong, Tagudin ng lalawigang ito kagabi, Mayo 2.

Kinilala ng Tagudin Municipal Police Station ang biktima na si Flora Laysa Villamar, residente ng naturang lugar.

Ang biktima kasama ang kapatid nitong babai at pamangkin na babai ay nasa labas ng kanilang bahay na nag-uusap.

Pumasok umano sa loob ng bahay ang kapatid nito at pamangkin para uminom ng tubig kaya naiwang mag-isa sa labas ng bahay ang biktima.

Habang nasa loob ng bahay ang dalawa ay mayroon silang narinig na parang mga putok ng firecrackers kaya lumabas sila para tingnan ito.

Paglabas nila ng bahay ay nakita nila ang biktimang nakadapa at duguan.

Isinugod ng mga rumespondeng MDRRMO personnel ang biktima sa Ilocos Sur District Hospital sa Bio, Tagudin.

Gayunman, hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor ang biktima.

Ayon sa pamangkin nito, isang motorsiklo ang narinig niyang umandar papalayo matapos ang pamamaril sa biktima.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin kung ano ang motibo sa naturang pamamaril at tukuyin ang mga salarin. Rolando S. Gamoso