MANILA, Philippines – Nasa 5,000 graduating students mula sa dalawang unibersidad na pinapatakbo ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang nakatanggap ng special graduation gift mula kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto.
Nabatid na ang mga makatatanggap ng nasabing graduation gift ay magmumula sa dalawang unibersidad ng Maynila na Universidad de Manila (UdM) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Bawat magtatapos na estudyante ay binigyan ng P2,000 bilang tanda ng pagpapahalaga at paghihikayat sa kanilang pagsisimula sa kanilang mga propesyonal na paglalakbay. Nasa kabuuang 1,817 nagtapos mula sa UdM at 3,772 mula sa PLM ang nakinabang sa pamamahagi ng regalo.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Lacuna-Pangan ang kahalagahan ng pagsusumikap at dedikasyon ng mga nagsipagtapos kung saan hinimok din ng alkalde ang mga ito na maging mahusay sa kanilang napiling larangan at ipagmalaki ang kanilang mga magulang.
Ang mga salita ng alkalde ay puno ng panghihikayat at optimismo habang nais niyang ang mga nagtapos ay magtagumpay sa lahat ng kanilang mga pagsusumikap sa hinaharap.
“Congratulations to all the graduates. May your journey in life be filled with success and may you always remember the values and lessons you have learned… Make your parents proud by excelling in whatever career path you choose,” ayon kay Mayora. JR Reyes