MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa 5 milyon kada araw ang maaaring gumamit ng mga pangunahing railway system sa bansa kapag ganap nang operational ang mga ito, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa Senate budget hearing, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na kabilang dito ang North-South Commuter Railway (NSCR), Metro Manila Subway, MRT-3, MRT-7 at iba pang rail systems.
“Kapag ‘yan po lahat nagsama-sama at operational po, ang makikinabang na po sa tingin namin, five million passengers everyday using that railway system,” ani Lopez.
Inaasahan ng DOTr na mababawasan ang mga commuter sa kalsada dahil mas magiging predictable ang travel time, mas accessible ang transportasyon at mas mababa ang pamasahe.
Target ng DOTr ang partial commercial operations ng MRT-7 sa second quarter ng 2027 para sa unang 12 istasyon mula Sacred Heart hanggang North Avenue sa Quezon City, na tinatayang makapaglilingkod sa 300,000 pasahero kada araw.
Samantala, target pa rin ang partial operations ng NSCR mula West Valenzuela hanggang Malolos, Bulacan sa Disyembre 2027, habang inaasahang magiging fully operational ang Metro Manila Subway pagsapit ng 2032.
Sa 2027 proposed budget, P197.30 bilyon ang nakalaan para sa rail transport, kabilang ang P123.84 bilyon para sa NSCR at P67.44 bilyon para sa Metro Manila Subway.
Umabot naman sa P300.96 bilyon ang kabuuang panukalang budget ng DOTr para sa 2027, mas mataas ng 52.52% kumpara sa P197.33 bilyon noong 2026. RNT/MDS