Home NATIONWIDE SC: Pangangaliwa, ‘di mismo krimen sa ilalim ng VAWC

SC: Pangangaliwa, ‘di mismo krimen sa ilalim ng VAWC

3
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Supreme Court (SC) na hindi mismo ang pagtataksil ng asawa ang pinaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act (VAWC), kundi ang psychological violence na nagdudulot ng matinding mental at emotional suffering sa babae.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, sinabi ng SC na hiwalay na krimen ang concubinage at psychological violence. Kaya hindi nakaapekto sa VAWC case ang pagkaka-acquit ng lalaki sa hiwalay na concubinage case.

Nag-ugat ang kaso sa mag-asawang ikinasal noong 1999 at may dalawang anak. Nagsimula ang problema noong 2009 nang maging malayo ang lalaki sa pamilya at kalaunan ay makitang nagsasama sa ibang babae.

Ayon sa asawa, nagdulot sa kanya ng matinding depression, pagkawala ng self-esteem at dignidad, at ilang pagtatangkang magpakamatay ang pag-abandona sa kanya at pagtataksil ng asawa. Kinumpirma rin ng psychologist ang mga senyales ng depression, habang sinabi ng kanilang anak na madalas niyang nakikitang umiiyak at depressed ang kanyang ina.

Hinawakan ng Regional Trial Court na may sala ang lalaki at sinentensiyahan ng pagkakakulong mula anim na buwan at isang araw hanggang walong taon at isang araw, P100,000 multa, at mandatory psychological counseling o psychiatric treatment. Pinagtibay ito ng Court of Appeals.

Sa pagbasura sa apela, sinabi ng SC na malinaw at kapani-paniwala ang testimonya ng mga saksi tungkol sa matinding pagdurusang dinanas ng babae dahil sa pag-abandona at pagtataksil ng asawa.

Dahil dito, ibinasura ng SC ang petition at pinagtibay nang buo ang desisyon ng Court of Appeals. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here