Home NATIONWIDE EU, naglaan ng P10.9M ayuda sa mga biktima ng baha

EU, naglaan ng P10.9M ayuda sa mga biktima ng baha

1
0

MANILA, Philippines – Naglaan ang European Union (EU) ng €150,000 o tinatayang P10.9 milyon na humanitarian aid para sa mga apektado ng matinding pagbaha dulot ng habagat sa Luzon.

Ayon sa EU Delegation to the Philippines, makikinabang dito ang mahigit 32,000 katao sa mga lugar na matinding tinamaan, kabilang ang Ilocos Region, Central Luzon at Metro Manila.

Gagamitin ang pondo ng Philippine Red Cross para sa relief supplies at serbisyo gaya ng sleeping kits, water containers, hygiene items, hot meals at malinis na inuming tubig para sa mga evacuation center at komunidad.

Magbibigay rin ang mobile health teams ng medical consultation, gamot, health information at mental health support. Kasama rin sa programa ang disease monitoring upang mabawasan ang panganib ng water-borne at vector-borne diseases matapos ang pagbaha.

Ayon sa EU, mahigit 10.5 milyon katao sa 11 rehiyon ang naapektuhan ng habagat at iba pang weather systems mula Agosto. Mahigit 120,100 katao ang lumikas sa mahigit 500 evacuation centers, habang higit 4,500 bahay ang napinsala at 188 lungsod ang isinailalim sa state of calamity.

Dagdag pa ng EU, ang bagong ayuda ay bahagi ng kontribusyon nito sa Disaster Response Emergency Fund ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies. Mula Enero 2026, mahigit €2 milyon na rin ang inilaan ng EU para sa humanitarian assistance sa Pilipinas. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here