MANILA, Philippines – Pinakawalan na ng Manila Police District (MPD) ang anim na miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) o Mayo Uno 6 nitong Martes, Mayo 7.
Sa isang media post, inanunsyo rin ng KMU ang pagpapalaya sa anim na miyembro nito na naaresto noong May 1 sa kasagsagan ng kanilang protesta kaugnay sa isinasagawang Balikatan Exercises sa United States (US) Embassy.
“Makalipas ang isang linggo ng iligal at arbitraryong pagkapiit, pagkakait ng mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain at tubig, at samu’t saring delaying tactics upang lalo pang pahabain ang kanilang pagkabilanggo, makakauwi na ang Mayo Uno 6 sa kanilang mga pamilya,” saad ng KMU.
Binigyang-diin ng grupo sa kanilang pahayag na ang anim na indibidwal na naaresto ay nagra-rally ng payapa para sa tunay na kalayaan at laban sa inakala nilang panghihimasok ng Estados Unidos sa ekonomiya, pulitika, at mga usaping militar ng Pilipinas.
Ayon naman sa MPD, tinangka ng mga ralyista na lumapit sa United States (US) Embassy para magprotesta laban sa Balikatan Exercises.
Ang progresibong grupo na Anakbayan, na sumusuporta sa panawagan ng KMU ay nagpahayag ng kagalakan sa anunsyo at nagpaabot ng pasasalamat sa mga taong nag-ambag sa P252,000 na piyansa.
“We remain steadfast in our position: there is nothing wrong with fighting! Protesting is not a crime, and it is only right to swiftly dismiss the fabricated cases against the Mayo Uno 6,” sabi ng KMU.
Nangako rin ang grupo na mananagot ang mga lumabag sa karapatan ng Mayo Uno 6.
“There are still many reasons to protest, and we will continue to protest as long as poverty, injustice, violence, and corruption persist in our country,” ayon pa sa grupo. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)