MANILA, Philippines – SINABI ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na “hallucination” lang ang napaulat na planong pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto.
Ang pahayag na ito ni Roque ay tugon sa ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes III na dahil sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit may ugong at planong destabilisasyon ngayon sa administrasyong Marcos.
Sa ulat, sinabi ni Trillanes na dating mga retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na aniya ay sanggang dikit umano ni Digong ang kasama sa planong destab para pahiyain ang kasalukuyang administrasyon.
Nagsimula umano ang “recruitment”noong nakaraang taon subalit wala pang nahihikayat.
Kumbinsido si Trillanes na ang destab plot ay para protektahan si dating Pangulong Duterte mula sa pagpapalabas ng warrant of arrest ng ICC kaugnay ng kasong crime against humanity of murder sa kasagsagan ng kampanya laban sa illegal drugs.
Layon umano ng ouster plot na mapatalsik si Pangulong Marcos upang pumalit si Vice President Sara Duterte.
Napag-alaman na posibleng lumabas sa susunod na buwan ang arrest warrant ng ICC laban kay dating Pangulong Duterte.
Sa kabilang dako, napaulat din na humihingi na rin ng tulong ang ICC sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maipatupad ang arrest warrant.
Muli namang iginiit ng dating Senador ang naunang pahayag na dahil may mga kasapi na ng PNP ang nagbigay ng kooperasyon sa ICC na nagpapatunay na may kinalaman ang administrasyong Duterte sa extra-judicial killings (EJK) noong panahon ng pamumuno nito.
Tinuran ng dating senador na nakilala na kung sinu-sino ang mga pasimuno sa planong pabagsakin ang gobyerno at may mga hakbang ng ginagawa ang pamahalaan hinggil dito. Kris Jose