MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Isang 6-anyos na batang lalaki ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala nang magpalitan ng putok ang magkalabang armadong grupo sa Barangay Tugal, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur noong Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Maj. Guiseppe Tamayo, tagapagsalita ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, naglalaro ang bata malapit sa marshland nang sumiklab ang putukan bandang 9 a.m.
Tinamaan ang bata sa kanang leeg at kanang pisngi. Agad siyang dinala ng kanyang mga magulang sa municipal hospital at kalaunan ay inilipat sa Sultan Kudarat Provincial Hospital para sa karagdagang gamutan.
Sinabi ni Tamayo na nasa maayos na kondisyon na ang bata.
Nagdulot ng takot sa mga residente ang putukan, at ilang pamilya ang pansamantalang lumikas matapos muling magkaroon ng indiscriminate firing bandang tanghali.
Nang dumating ang pulis at militar, tumigil na ang putukan at na-secure ang lugar, kaya unti-unting nakabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente.
Naganap ang insidente habang umiiral ang gun ban para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections sa susunod na buwan. RNT/MDS