MANILA, Philippines – Tinatayang mahigit P15 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Acting District Director, PCOL Melecio M Buslig, Jr, makaraang maaresto ang anim na bigtime drug dealer sa isinagawang buy-bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni PMaj. Wennie Ann Cale, hepe ng DACU sinabi nito na nakumpiska ang .may P15,841,000.00 halaga ng ilegal na droga makaraang madakip ang anim katao sa isinagawang magkakasunod na operasyon.
Ayon sa pulisya sa unang operasyon, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Arlene Ann Goco, 36 taong gulang, residente ng Brgy. Plainview, Mandaluyong City; Lia Lauren Llige, 42, residente ng Brgy. Batis, San Juan City; Daryl Sarona, 26, residente ng Brgy. Batasan Hills, QC; at Jerome Palacios, 49 , residente ng Pateros, Metro Manila.
Ayon sa ulat, ng QCPD nagsagawa ang mga operatiba ng DDEU, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA-NCR, ng buy-bust operation matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen hinggil sa aktibidad ng mga suspek na may kinalaman sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at bumili ng Php50,000.00 halaga ng high-grade marijuana mula kay Goco. Pagkatapos ng transakyon, inaresto agad sina Goco at ang tatlo niyang kasamahan bandang 1:30 ng hapon ng Nobyembre 5, 2024 sa No. 786, Aurora Blvd., Brgy. Kaunlaran, Quezon City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 60 gramo ng high-grade marijuana (Kush) na nagkakahalaga ng Php90,000.00; 400 pirasong ecstasy tablets na may halagang Php680,000.00; isang (1) litro ng marijuana kush oil na nagkakahalaga ng Php1,200,000.00; at 20 piraso ng liquid marijuana vape na may halagang Php30,000.00, na may kabuuang halaga na Php2,680,000.00.
Narekober din ang isang eco-bag, dalawang cellphone, isang Nissan Navara, at ang perang ginamit sa buy-bust.
Sa imbestigasyon, ibinunyag ni Goco ang pagkakasangkot ng dalawa pang High-Value Individuals sa ilegal na droga. Dahil dito, agad na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng DDEU bandang 2:30 PM ngayong Nobyembre 6, 2024, sa kahabaan ng Carlos P. Garcia Ave. malapit sa kanto ng Velasquez St., Brgy. UP Campus, QC na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.
Kinilala ang mga suspek na sina Terence Concepcion, 43 taong gulang, residente ng Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City, at Mohammad Villar Dana, 36, residente ng Brgy. Tandang Sora, QC.
Nakumpiska mula sa kanila ang 1,770 gramo ng shabu at 750 gramo ng methylenedioxymethamphetamine (MDMA), na may kabuuang halaga na Php13,161,000.00.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Binabati ko ang mga operatiba ng DDEU, ganundin ang mga miyembro ng PDEA-NCR sa matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkahuli sa mga drug suspects at pagkakumpiska ng malaking halaga ng ilegal na droga. Makakaasa ang QCitizens na tuloy-tuloy ang QCPD sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga upang masiguro na ligtas ang bawat mamamayan sa Lungsod Quezon,” pahsayag ni PCol. Buslig, Jr. (Santi Celario)