Home NATIONWIDE 6 Chinese arestado, 63 Pinoy nasagip sa illegal na pagawaan ng sigarilyo...

6 Chinese arestado, 63 Pinoy nasagip sa illegal na pagawaan ng sigarilyo sa Pampanga

311
0
DILG Sec Juan Victor Remulla, PNP chief PGen Jose Melencio Nartatez, and Bureau of Customs Ariel Nepomuceno and other official conducted an inspection operation against an alleged illegal cigarette factory at Samyoung Global Enterprises in Brgy. Panipuan, Mexico, Pampanga on Thursday, February. 5, 2026. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines — Anim na Chinese national ang inaresto habang 63 Pilipino ang nasagip ng mga awtoridad sa sinalakay na ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa bayan ng Mexico, Pampanga, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes, Pebrero 5.

Ayon kay Remulla, isinagawa ang operasyon matapos ang intelihensiyang trabaho ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) bilang bahagi ng joint task force kontra illegal tobacco.

“Anim na male Chinese nationals ang naaresto. Sila ang mga operator ng makina sa loob ng pasilidad,” ani Remulla sa isang press briefing.

Natuklasan sa loob ng pabrika ang tatlong cigarette-making machines at dalawang packing machines na may kakayahang makalikha ng hanggang ₱150 milyon halaga ng sigarilyo kada araw.

Tinatayang mahigit ₱4.5 bilyon na ang nalikhang sigarilyo ng pasilidad mula Enero.

Nasamsam din ang mga tobacco leaves, pekeng tax stamps, packaging materials, at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱400 milyon.

Ayon sa imbestigasyon, ang anim na Chinese national ay pumasok sa bansa bilang mga turista noong nakaraang taon.

Samantala, ang 63 Pilipino na nasagip ay pinaniniwalaang biktima ng human trafficking at involuntary servitude.

Ipinangako umano sa kanila ang sahod na ₱15,000 hanggang ₱30,000 kada buwan ngunit hindi nabayaran at tumira sa hindi makataong kondisyon.

“Halos hindi makatao ang kanilang barracks. Nagtrabaho sila nang walang sweldo—iyan ay malinaw na involuntary servitude,” ani Remulla.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang non-bailable charges laban sa mga suspek, kabilang ang human trafficking, illegal manufacturing, at paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Posible ring maharap sa kaso ang ilang Korean at Filipino incorporators, may-ari ng lupa, at mga lokal na opisyal na nag-isyu ng mga permit.

Hinala ng mga imbestigador na may mahigit 10 pang ilegal na pabrika ng sigarilyo sa bansa na posibleng konektado sa isang international smuggling network, at sinisilip din ang umano’y pagkakasangkot ng ilang politiko sa Northern Luzon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here