MANILA, Philippines – Anim na overseas Filipino workers (OFWs) mula Iran ang ligtas na nakauwi sa Pilipinas nitong Sabado ng umaga sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Lima sa kanila ay shrimp hatchery technicians, habang ang isa ay kasambahay mula Dubai na nagbakasyon sa Iran.
Dumating sila sa NAIA Terminal 3 sakay ng Emirates flight at sinalubong ng mga opisyal mula sa DMW, DFA, OWWA, at DSWD. Binigyan sila ng tulong pinansyal, pagkain, serbisyong medikal, at pansamantalang tirahan.
Ang repatriation ay pinangunahan ng Philippine Embassy sa Tehran sa pamumuno ni Ambassador Roberto Manalo.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang maayos at ligtas na pagbabalik ng mga OFW.
Mahigit 200 repatriation requests ang kasalukuyang pinoproseso. Naka-alert level 3 na ang Israel at Iran, na nangangahulugang boluntaryong pagpapauwi. Dalawang OFW pa mula Iran ang inaasahang darating sa Sabado ng gabi. RNT