MANILA, Philippines – Isinampa na ng piskalya sa Navotas RTC ang kasong kriminal laban sa anim na Navotas police na dawit sa pagpatay sa 17 anyos na si Jerhode ‘Jemboy’ Baltazar.
Kasong murder at hundi reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa laban kina Executive Master Sgt. Roberto Dioso, Staff Sgts. Gerry Maliban, Antonio Bugayong, Jr., at Nikko Esquillon, Cpl. Edmard Blanco at Pat. Benedict Mangada pawang mga nakatalaga sa Navotas City Police Station.
Walang inirekomendang piyansa sina Assistant City Prosecutor Arvin Carael at City Prosecutor Armando Cavalida para sa pansamantalang paglaya ng mga suspek.
Una nang inaprubahan ng National Capital Region Police ang rekomendasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service na patalsikin sa serbisyo ang respondent.
Magugunita noong August 2 napatay si Baltazar habang naghahanda na sanang mangisda nang pagbabarilin ng mga pulis sa Brgy NBBS Kaunlaran habang isinasagawa ang follow up operation.
Inamin ng mga pulis na mistaken identity o napagkamalan nila si Baltazar ang suspek na kanilang tinutugis. Teresa Tavares