Home NATIONWIDE 6 sa 19 nasawi sa bakbakan sa NegOc, pinangalanan ng PNP

6 sa 19 nasawi sa bakbakan sa NegOc, pinangalanan ng PNP

136
0

BACOLOD CITY — Kinilala na ng Philippine National Police (PNP) ang anim sa 19 na nasawi sa magkakasunod na engkuwentro sa Toboso, Negros Occidental noong Linggo, Abril 19, 2026, sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ayon sa Police Regional Office–Negros Island Region (PRO NIR), nagtatag ito ng Special Investigation Task Group upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga narekober na bangkay sa pamamagitan ng forensic examination, dokumentasyon, koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, at pakikipag-ugnayan sa mga kaanak.

Nauna nang iniulat ng Philippine Army na 19 umano’y NPA members ang napatay sa operasyon ng 79th Infantry Battalion sa Barangay Salamanca, Toboso.

Noong Miyerkules, kinumpirma ng PRO NIR na anim sa mga nasawi ang positibong nakilala at na-claim na ng kani-kanilang pamilya. Kabilang dito sina Rene Villarin Sr., alyas Kumader Pikot, 58, ng Calatrava; Roger Fabillar Tapang, alyas Jhong o Arnel, 36, ng Toboso; Ruel Sabillo, 19, ng Toboso; Sonny Boy Manayon Caramihan, 28, ng San Carlos City; Pedro Agustin Bonghanoy, 32, ng Escalante City; at Arnel Mahilum Javoc, 32, ng Calatrava.

Ayon kay PRO NIR Director Brig. Gen. Arnold Thomas C. Ibay, ang pagkakakilanlan at pag-release ng mga labi ay sumasalamin sa kanilang pagtupad sa propesyonalismo at pagsasaalang-alang sa aspetong humanitarian, habang patuloy na ginagampanan ang tungkulin sa ilalim ng batas at may malasakit sa mga pamilyang naapektuhan.

Samantala, sinabi ng media group na Altermidya Network na kabilang sa mga nasawi ang kanilang NIR coordinator na si RJ Nichole Ledesma, habang kinumpirma rin ng UP Diliman University Student Council ang pagkamatay ni Alyssa Alano sa parehong insidente.

Patuloy pa ang pagsisikap ng mga awtoridad upang matukoy ang natitirang mga nasawi, kasabay ng pagpapatunay ng mga rekord at isinasagawang medico-legal at forensic documentation. Ayon sa PRO NIR, isinasagawa rin ang maayos na pag-release ng mga labi kapag kumpleto na ang dokumentaryo at legal na kinakailangan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here