Home METRO 6 suspek sa pamamaril sa Chinese nationals, arestado sa Parañaque

6 suspek sa pamamaril sa Chinese nationals, arestado sa Parañaque

MANILA, Philippines – ARESTADO ang anim na suspek sa shooting incident sa dalawang Chinese national noong 12:10 madaling araw ng Hunyo 15, 2024, sa loob ng residential building sa Roxas Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.

Nauna rito ay pinagbabaril ng grupo ng kalalakihan ng Chinese ang dalawang biktima na kinilala sa parehong alyas na Li, pareho ring Chinese nationals, na kapwa dinala sa Ospital ng Parañaque para sa medical treatment.

Kinilala ang anim na suspek na sina alias Peng, at alias Deng, Chinese nationals na nakatira sa katabing building; alias Cheng, alias Liu, at alias Tu, Chinese nationals na nakatira sa kabilang tower sa loob mismo ng kaparehong complex; alias Ken, ang Filipino driver/bodyguard na residente ng Barangay San Isidro;

Patuloy naman ang hot-pursuit operations ng mga pulis upang madakip ang natitirang at-large suspects na sina alias Yu, at alias Bo; alias Marlon, at alias Tony, driver na kapwa Filipino.

Naging mabilis naman ang responde ng pulisya ng Parañaque Police Tambo Substation at mga tanod na agad nakarating sa lugar ng pamamaril.

Tumulong naman sa pagbibigay-linaw sa insidente ng pamamaril ang mga witness na residente sa building, housekeeping staff, security guard, at vendor.

Nakuha ng Parañaque Forensic Unit, sa pangunguna ni PMSG Roque Garcia, ang 5 fired cartridge cases at isang deformed slug mula sa crime scene.

Sa imbestigasyon at backtracking efforts ng kapulisan, naaresto ang key suspects sa magkakaibang lokasyon.

Sina Alias Peng at Deng ay nahuli sa Pasay City, habang si alias Cheng ay sa Clark, Pampanga nadakip.

Sa pag-aresto sa mga suspek, nakakuha ng firearms at ammunition kabilang ang .22 Magnum Revolver at 9mm pistol na may live ammunition.

Sa CCTV footage naman ng gusaling tinitirhan ng dalawang biktima, natukoy ang tumatakas na suspek na si alias Ken, na naaresto sa kanyang tirahan.

Nakuha kay Ken ang 9mm pistol, extra magazines, cellular phone, at motorsiklo.

Sa imbestigasyon ay natukoy si alias Bo na mastermind sa pamamaril.

Si alias Bo ay dati nang nadakip ng CIDG-SPD noong December 2022 para sa ibang criminal activities.

Reklamong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at frustrated murder ang inihahanda laban sa mga naaresto para sa inquest proceeding sa Parañaque Prosecutor’s Office.

Gayundin, dinala ang mga suspek sa SPD Forensic Unit sa Camp Bagong Diwa para sa paraffin tests, habang ang nakumpiskang firearms ay isasailalim ng ballistic examination. Dave Baluyot