Home METRO 6 tiklo, P1.39M shabu nasamsam sa Rizal, Batangas

6 tiklo, P1.39M shabu nasamsam sa Rizal, Batangas

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang anim na hinihinalang big-time tulak ng illegal na droga sa probinsya ng Rizal at Batangas.

Nasabat sa mga ito ang shabu na may kabuuang halaga na P1,390,000.

Iniulat ng Region 4A police na naaresto sa operasyon sina Limuel Estela at Ana Marie Lacanay bandang 12:04 ng madaling araw nitong Miyerkules, Oktubre 4, sa barangay Mayamot.

Nakuha sa mga ito ang tatlong sachet at isang knot-tied plastic na naglalaman ng shabu at may timbang na 75 gramo.

Nagkakahalaga ito ng P510,000 batay sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Samantala, sa Binangonan naman, naaresto rin ng mga awtoridad sina Roel Casaljay at Dave Marquez sa operasyon bandang 10:30 ng gabi nitong Martes, Oktubre 3 sa Barangay Tagpos.

Nakuha sa mga suspek ang walong sachet ng shabu na tumitimbang ng 5.1 gramo at may DDB value na P374,680.

Dagdag pa, sa Batangas, naaresto naman ng pulisya sina Rubelyn Abduhasad at Julius Sarce madaling araw ng Miyerkules sa operasyong ikinasa sa Barangay Poblacion 2, Sto. Tomas City.

Nakumpiska ng mga operatiba ang dalawang sachet ng shabu na may timbang na 75 gramo at DDB value na P510,000.

Dagdag pa sa nakumpiska sa mga suspek ang motorsiklo na pinaniniwalaang ginagamit sa distribusyon ng shabu.

Inaalam na ang pinagkukuhanan ng illegal na droga ng mga naaresto sa Rizal at Batangas.

Ikinukunsidera ang lahat ng mga naarestong suspek bilang high-value individuals sa illegal drug trade.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa
Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC