MANILA, Philippines – Masyado pang maaga kung masasampahan ba ng kasong homicide ang isang guro sa Antipolo City na umano’y nanampal ng estudyante at naging dahilan ng pagkamatay nito.
Ayon kay Police Lt. Col. Ryan Manongdo, officer-in-charge ng Antipolo police, ang maaaring maisampa sa guro ay ang reklamo dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7610.
“In-admit naman niya at marami tayong witness na mayroong nangyaring ganoon. Pero as to the degree na is it related directly sa cause of death, yan ang i-determine sa autopsy report,” ani Manongdo.
Tumanggi naman si Manongdo na sabihin kung sinampal ba o sinuntok ng guro, mula sa Peñafrancia Elementary School, ang Grade 5 student.
“Depende sa relative understanding ng mga witnesses natin eh. Ang sinampal o sinuntok, magkaiba po,” aniya, sabay-sabing tinamaan ang estudyante sa kanang bahagi ng mukha nito.
“As for the degree kung gaano kalakas, that will be determined by the medico-legal natin, yung ating autopsy na gaganapin,” sinabi pa ni Manongdo.
Kailangan munang matukoy ng forensic experts kung ano ang sanhi ng kamatayan ng biktima, bago tumuloy sa posibilidad ng pagsasampa ng homicide complaint.
Naka-leave na ang guro na sangkot sa insidente, ayon sa Department of Education, at posible pang matanggal sa serbisyo dahil sa child abuse o grave misconduct.
Ayon sa ina ng estudyante, hinatak umano ng guro ang 14-anyos na estudyante sa kwelyo nito, hinila ang buhok, at sinampal matapos magreklamo dahil sa mga kaklaseng maingay.
Tugma naman ang sinabi ng ina ng biktima sa pahayag ng iba pang saksi, ayon kay Manongdo. RNT/JGC