Home NATIONWIDE 60 POGO workers naaresto sa Davao

60 POGO workers naaresto sa Davao

Image Representation Only

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng National Bureau of Investigation – Southeastern Mindanao Region na 60 indibidwal na hinihinalang POGO workers ang inaresto sa umano’y POGO hub sa Brgy. Manay, Panabo City,Davao del Norte.

Sinabi ni Atty. Arvhie Albao, director ng NBI -SEMRO nitong Sabado na sasampahan ng kaso ang 56 Chinese nationals, 3 Malaysian at isang Filipino.

Ang Filipino na may-ari ng warehouse na ginawang POGO hub ay pinadalhan ng subpoena sa kadahilanang pinayagan nitong magsagawa ng illegal na operasyon sa kanyang ari-arian.

Nauna nang sinabi ni Albao na ang POGO operations ay nagmula sa Luzon at dinala sa Davao del Norte matapos salakayin ang mga POGO sa Metro Manila at Central Luzon.

Sinabi rin niya na sangkot din ang mga lokal na opisyal sa pagprotekta sa POGO operations sa lungsod.

“Initial information na nakuha natin na may officials from the government na nagpo-protect dito, so iniimbestigahan namin,” sabi ni Albao.

Nauna nang sinabi ng NBI na ang kanilang tanggapan ay unang nakatanggap ng impormasyon mula sa isang Ruby Lim, isang Malaysian national, na nagsasabing siya ay dinukot ng grupo ng mga Chinese at dinala sa Panabo City.

Matapos ang tatlong araw na surveillance, nahanap ng NBI ang bodega, at napansin ang mga Chinese national na labas-masok sa establisyimento.

Agad na naglunsad ng raid ang NBI sa lugar, ngunit nabigo itong iligtas si Lim. Jocelyn Tabangcura-Domenden