MANILA, Philippines – Mahigit 6,000 magsasaka sa Albay ang makatatanggap ng ₱10,200 cash assistance simula Martes matapos maapektuhan ang agrikultura ng ashfall mula sa pag-aalboroto ng Mayon Volcano, ayon kay Governor Noel Rosal noong Lunes.
Aabot sa 6,411 magsasaka ang tatanggap ng tulong, kabilang ang mga naapektuhan ng ashfall at nasa loob ng 6-kilometer danger zone. Layunin nitong makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng mga pamilya habang may naibibigay na ring pagkain para sa kanila.
Batay sa paunang ulat ng Department of Agriculture (Department of Agriculture (Philippines)), 102 ektarya ng pananim ang napinsala sa loob ng danger zone, na nagresulta sa 364 metric tons na pagkawala sa produksyon. Naitala rin ang pagkamatay ng 33 baka, habang mahigit 534 ektarya sa Permanent Danger Zone ang nananatiling delikado, kabilang ang taniman ng mais, high-value crops, at mga punong namumunga.
Ayon kay Rosal, papasok din sa loob ng dalawang linggo ang Department of Labor and Employment (Department of Labor and Employment (Philippines)) para sa TUPAD program na magbibigay ng ₱4,550 sa 20,000 magsasaka.
“In the next two weeks, papasok naman ‘yung DOLE, ‘yung TUPAD, para sa mga magsasaka natin. So P4,550 ‘yun, marami na ‘yun, sinabay na natin yung ibang farmers na hindi makabalik sa six-kilometers. So 20,000 ang makakatanggap ng P4,550, this time naman sa DOLE,” ani Rosal.
Apektado rin ang turismo sa Albay, partikular ang mga conventions at MICE events, kung saan may mga kanselasyon ng booking sa mga hotel, bagama’t ligtas pa ang Legazpi at Daraga.
“Safe naman sa Legazpi at Daraga, pero ang naapektuhan kami – ‘yung mga supposedly activities – conventions and MICE, siyempre ‘yung ibang nagka-cancel. Ang medyo malungkot dito, ‘yung hotel naka-book na, kina-cancel,” ani Rosal.
Magbibigay rin ng ayuda ang pamahalaang panlalawigan sa mga apektadong manggagawa, kabilang ang “no work, no pay,” gayundin ang tulong sa transportasyon at iba pang pangangailangan ng mga pamilya.
“Magbibigay tayo sa mga trabahante, especially ‘yung mga no-work, no-pay. So magbibigay tayo hindi lang sa mga farmers, kundi pati rin ‘yung mga apektadong mga Albayanos. Pinapaabrubahan ko na ‘yan. Then transport kasi itong sa mga restaurant, hotel, na mabigyan natin ng kahit man lang pandagdag sa matrikula ng kanilang mga anak,” dagdag ni Rosal.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano. Santi Celario