Home NATIONWIDE 62 trial dates hinling ng House prosecution team

62 trial dates hinling ng House prosecution team

1
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Humiling ang House prosecution panel sa Senate impeachment court ng kabuuang 62 trial dates para sa presentasyon ng kanilang mga ebidensya at testigo sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Mas mataas ito kumpara sa 30 trial dates na hinihiling naman ng depensa, ayon kay House legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr.

“The prosecution asked for 62 trial dates and the defense asked for 30,” ani Tolosa.

Gayunman, nilinaw niya na hindi nangangahulugang tatagal ng 62 araw ang paglilitis dahil maaari itong mapaikli kung papayagan ng impeachment court na magprisinta ng mahigit isang testigo kada araw ng pagdinig.

Ayon kay Tolosa, nakapagtataka na humiling lamang ng 30 trial dates ang depensa kahit nakalista sa kanilang pre-trial brief ang 97 testigo, kabilang ang marami ring testigong kabilang sa listahan ng prosecution panel.

“So it’s a question of how come they listed 97 witnesses but they only asked for 30 trial dates,”paliwanag ni Tolosa.

“Maybe it is an indication that there’s really no intention to produce all of those witnesses, but of course, we don’t want to pre-empt what actions they would want to do,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Tolosa na mayroong 51 common witnesses ang magkabilang panig, kabilang ang 16 na pinangalanang testigo at 35 iba pa na tinukoy lamang ayon sa kanilang opisina o ahensiya.

Kabilang umano rito ang mga kinatawan mula sa Office of the Vice President at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Bukod dito, sinabi rin ni Tolosa na malaking bahagi ng documentary evidence ng prosecution ay isinama rin ng depensa sa kanilang listahan ng ebidensya.

“For the exhibits, we have 248 common exhibits, meaning 248 out of the 276 exhibits of the prosecution were basically copied also in their pre-trial brief or listed also as their evidence,” paliwanag nito.

Sa kabuuan, may 276 documentary exhibits ang prosecution panel at 248 dito ay kapareho rin ng mga dokumentong nakalista sa panig ng depensa.

Ayon kay Tolosa, ang pinal na bilang ng trial dates na ilalaan sa bawat panig ay nakadepende pa rin sa ilalabas na pre-trial order ng Senate impeachment court. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here