
BINATIKOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nagpetisyon o mga kumukwestyon sa 2025 national budget sa Supreme Court.
Nais kasi ng petitioners na ideklara ang 2025 GAA na “iligal at kriminal”. Ang sabi nga, ang P6.326-trillion budget na ito, ang pinakamalaking pandarambong sa buwis ng taumbayan, sa napakatagal nang kasaysayan ng pangungurakot sa bansa.
Galit na galit si PBBM sa kanyang mga kritiko na kumukwestyon sa 2025 GAA sa pagsasabing nais lamang daw ng mga ito na pabagsakin ang kanyang administrasyon.
Nagbanta o may panakot pa siya na kung magdedesisyon ang SC laban sa national budget ay baka mag-shutdown ang lahat.
Tinawag pa niyang “destabilizers” ang mga taong nasa likod ng pangunguwestyon. Tinumbok ng mga kakampi niyang kongresista si dating Pangulong Digong Duterte na nasa likod ng anila’y destabilisasyon.
Nagmistulang “isip-bata” si PBBM at ang kanyang mga kapanalig sa sitwasyong ito. O, baka siya’y kunwaring nagagalit o kaya’y naggagalit-galitan sapagkat sila ay nabuking.
Nakalimutan nila na ang pagdulog sa Korte Suprema ang pinakatama at pinakaligal na paraan kapag may nais na ipetisyon o kontrahin. Kaya nga dito dinala ang petisyon. Hindi ‘yan destabilisasyon.
Hindi ba’t nasa gobyerno ang pinakamahuhusay na abogado kaya malamang ay kayang-kaya nilang sumagot sa SC. Huwag naman mananakot at magbabanta na baka may mangyaring masama sa bansa kapag sila ay natalo.
Sagutin na lamang ni BBM at ng kanyang “gang” sa dalawang kapulungan ng Kongreso kung bakit may 28 blangkong item sa nasa humigit-kumulang 13 pahina ng bicameral conference committee report sa GAA. Karamihan sa mga blangko ay para sa mga proyekto ng Department of Agriculture.
Ipaliwanag din nila ang pagtanggi ng Kongreso na bigyan ng subsidiya ang Philippine Health Insurance Corp. pero pinalobo ang budget ng Department of Public Works and Highways na mas malaki pa ngayon ang alokasyon sa sektor ng edukasyon.
Dahil ba mas madaling nakawin ang pera kapag napunta ang mga proyekto sa kalsada o kaya’y para sa pataba ng mga pananim ng magsasaka?
Baka naman maaari rin nilang ipaliwanag ang “pagtriple” ng bagong pork barrel ng mga “kapanalig na mambabatas” sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
At ang pag-cut ng P50 bilyon sa conditional cash transfer para lumikha ng bagong unconditional aid program sa anyong Ayuda sa Kapos ang Kita Program na duplicate ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Ayon kay Sen. Imee Marcos na kapatid ng Pangulo, ang bicam report na siyang pinagbasehan ng 2025 GAA ang pinaka-nakaririmarim na panukalang batas sa badyet dahil pagnanakawan ang kaban ng bayan para sa kapritso ng iilang nanunungkulan.
Inabuso ng mga mababatas ang kanilang kapangyarihan sa paglikha ng panukala para sila ay makapandambong sa pondong bayan kung kaya ito ang matatawag nating tunay na destabilisasyon, hindi lang sa administrasyon, kundi sa buong bansa.
Tama ang Senadora, ang hakbang na ito ng “gang ni BBM” ang wawasak sa kanila.