Home OPINION BAGSAK-EROPLANO NA NAMAN

BAGSAK-EROPLANO NA NAMAN

HINDI pa natatagpuan ang lahat ng pasahero at crew ng nagbanggaang pampasaherong eroplano at military helicopter sa Washington DC sa United States, andiyan na naman ang bumagsak na eroplano sa Philadelphia City, Pennsylvania, sa US pa rin, na ikinamatay ng lahat ng pasahero at crew nito kamakalawa.

Pasahero ng medical plane ang isang batang may sakit, ina nito at apat na crew na pawang mga Mexicano.

Anim naman ang nasugatan sa pinagbagsakan ng eroplano na lumiyab at ikinasunog ng ilang gusali at sasakyan.

Sa banggaan naman ng American Airlines at helikopter, kasama sa mga nasawi si PCol Pergentino Malabed na nasa US para tingnan at suriin ang armored vest na binili ng Philippine National Police sa isang kompanyang Kano na gumagawa nito.

Sa kalagitnaan ng imbestigasyon, may ilan nang lumabas na posibleng dahilan.

Overcrowded umano ng eroplano at helikopter, kasama ang mga drone, ang himpapawid sa ng Reagan International Airport.

Nakasama pa umano ang pagkakaroon ng dalawa pang paliparan sa lugar at halos araw-araw na umanong may muntik na magbanggaan sa ere.

May 88,000 lumilipad na helikopter roon kada taon, kasama na ang 33,000 military at 18,000 police flights.

Dapat umanong nasa 200 piye lang ang taas ng lipad ng helikopter ngunit katanungan ngayon kung bakit nagkaroon ng banggaan habang 300 piye ang taas ng lipad ng American Airlines habang bumababa at maglanding sana.

Dumami rin ang pampasaherong eroplano roon dahil ang dating 15 milyong pasahero sa nakalipas na mga taon ay naging 20 milyon na ngayon.

Lumitaw ding labis umanong may kakulangan sa “well trained” airport personnel bilang mga gabay.

Dapat umanong minimum na may dalawang tao na nakatalaga para sa eroplano at sa helikopter.

Dapat pag-isipan at aksyunan ng lahat ng mga nasa Philippine airports ang mga bagay na ito upang mapigilan ang mga nakamamatay na disgrasyang pang-eroplano.