Home OPINION MAY AWAY KAHIT SAAN

MAY AWAY KAHIT SAAN

PUNONG-PUNO ng giyera o awayan sa mahal kong Pinas.

May umaaway sa Palasyo at may inaaway rin ito.

Gayundin sa Kongreso, sa iba’t ibang ahensya ng ehekutibo, sa kalsada at iba pa.

May mga awayan din sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

AWAYAN SA PALASYO

Tatlo ang matitingkad na pinag-awayan ng Palasyo at mga kritiko nito.

Una ang impeachment na hindi mo malaman kung suportado ng Palasyo o hindi, lalo’t hindi umuusad ito sa Kongreso at hinihintay ang pagpirma ng 103 kongresman para sa pang-apat na impeachment complaint para dumiretso umano ito sa Senado para sa paglilitis.

Ikalawa ang demandahan sa International Criminal Court kaugnay ng giyera sa droga na hindi mo rin matiyak kung suportado o hindi ng Palasyo kahit sinasabi nitong walang hurisdiksyon ang ICC sa Pinas at gumagana rin ang mga hukuman dito para ito ang maglitis at hindi ang ICC.

Ikatlo ang mga blangkong pondo para sa mga ahensya at proyekto ng gobyerno sa Bicameral Conference Comiittee report na napakahalaga para sa pagbuo ng 2025 pambansang badyet at walang nakaaalam kong sino ang naglagay ng halaga ng pondo.

Matinding korapsyon, paglabag sa Konstitusyon at pagparalisa sa gobyerno ang pinag-uusapan dito.

Dapat na hindi bumitiw sa pagsubaybay rito ang mga mamamayan dahil apektado ang lahat sa hahantungan ng mga ito.

AWAYAN SA KONGRESO

Abusado at hindi in aid of legislation kundi in aid of persecution o pang-aapi umano ang pagsasagawa ng mga hearing o imbestigasyon ng QuadCom lalo’t iisang opisina at opisyal ng gobyerno ang pinupuntirya sa kabila ng marami ang dapat ding imbestigahan gaya halimbawa ng nalunod na P500 bilyong flood control project sa nakalipas na dalawang taon.

Matinding away rin sa Konreso at kanilang mga kritiko kaugnay pa rin ng kontrobersyal na Bicam report lalo’t hindi lang ang mga kritiko kundi ilang senador at kongresman mismo ang nagpapatunay na maaaring may milagro sa paglalagay ng pondo sa mga blangkong ispasyo ng pambansang badyet.

Pinag-aawayan din ang pagsibak ng nakararaming senador at kongresman sa Bicam sa P74 badyet para sa PhilHealth at P10B para sa computerization program at bilyones din para sa agrikultura habang pinalaki sa mahigit P1 trilyon ang para sa Department of Public Works and Highways at paghahati ng mga kongresman at senador sa P26B AKAP.

PRESYONG BIGAS NGAYON, PRESYONG ITLOG BUKAS

Matinding pinag-aawayan din ng gobyerno at mamamayan mismo ang mga presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Bukod sa mahal na bigas ngayon at magmahahal na itlog sa Abril, may 62 pang batayan at pangunahing bilihin ang magmamahal na rin gaya ng gatas, sardinas, de-boteng tubig, asukal, mantika, sabon, liquefied petroleum gas, arina, delatang manok, baboy at baka, materyales para sa bahay at iba pa.

Pinag-aawayan ito dahil labis na apektado ang lahat, lalo na ang nasa 70 milyong nagsasabing sila’y mahihirap at milyon-milyon pang nasa alanganing kalagayan.

Kung hindi mapigilan ang away, katulad ito ng paglabas ng ginto at natutunaw ang duming nakakapit dito kung isasalang ito sa matinding apoy.