MANILA, Philippines — Umabot na sa 63 sa 77 nasawi sa sunog sa MV June Aster ang nakilala na, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa trahedya, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sinabi ni BFP officer-in-charge Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu na walo katao ang nananatiling nawawala. Patuloy ding tinutukoy ng mga awtoridad kung saan nagkaroon ng lapses at kung bakit pinayagang bumiyahe ang barko sa kabila ng iniimbestigahang problema sa makina at paraan ng pag-iimbak ng ilang kargamento.
Sumiklab ang apoy dakong alas-6:30 ng gabi noong Setyembre 9 habang binabagtas ng barko ang Strait of Coron sa Palawan.
Ayon sa BFP, orihinal na nakatakdang bumiyahe ang MV June Aster noong Setyembre 3 ngunit naantala nang apat na araw. Sinabi ng operator na Atienza Inter-Island Ferries Inc. na masamang panahon at low tide ang dahilan ng delay.
Gayunman, lumabas sa isinasagawang imbestigasyon na nakaranas umano ng problema sa makina ang barko at patuloy na nagkarga ng iba’t ibang cargo habang nakaantala, kabilang ang cooking oil, asphalt at calcium hypochlorite.
Ayon sa BFP, nakalagay ang calcium hypochlorite malapit sa engine room at katabi ng combustible asphalt. Sinabi ni Kwan Tiu na posibleng natumba ang mga kargamento dahil sa maalong dagat at nagkaroon ng reaksiyon na nauwi sa sunog.
Posible rin umanong nalanghap muna ng ilang pasahero ang nakalalasong usok bago nila napansin ang apoy, ngunit bahagi pa rin ito ng patuloy na imbestigasyon.
Wala pang pinal na finding ang mga awtoridad kung sino ang may pananagutan sa insidente. Dave Baluyot