MANILA, Philippines — Naiuwi na sa Pilipinas ang labi ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa bus accident sa Bavaria, Germany noong Setyembre.
Dumating ang labi nitong Linggo ng gabi, Oktubre 18, sakay ng Turkish Airlines Flight TK 0084 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Tinulungan ng Migrant Workers Office (MWO), Philippine Consulate sa Milan, Philippine Embassy sa Berlin at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamilya sa pagpunta sa Germany at sa pagpapauwi ng labi.
Magbibigay din ang DMW ng karagdagang tulong pinansyal sa pamilya sa ilalim ng AKSYON Fund, habang sasagutin naman ng OWWA ang iba pang kinakailangang assistance hanggang sa libing.
Noong Setyembre 27, isang bus na may sakay na 33 Pilipino mula Milan, Italy patungong Munich para sa Oktoberfest ang lumihis sa kalsada at tumaob sa Bavaria.
Dalawang Pilipino ang nasawi sa aksidente habang ilan pang pasahero ang nasugatan. Dave Baluyot