Home HOME BANNER STORY Escudero ‘di interesado maging VP ‘pag na-impeach si Sara

Escudero ‘di interesado maging VP ‘pag na-impeach si Sara

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi siya interesado na maitalaga bilang ikalawang pangulo sakaling mapatalsik si Vice President Sara Duterte.

Sa press conference sa Sorsogon City habang ginugunita ng bansa ang ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, na hindi magandang tingnan kung mangyayari iyon dahil sila sa Senado ang magdedesisyon laban kay Duterte.

“Ang pangit naman nun sa panlasa. Kami ang magdedesisyon kaugnay niyan tapos yun pala interesado ako at gusto ko pala,” aniya.

“So ngayon pa lang sinasabi ko na hindi ako interesado at tatanggihan ko yun kung inalok man sa akin yun. Hindi tama at hindi dapat ginagawa yun,” dagdag niya.

Sinabi ni Escudero na dapat bahagi dito ang Mababang Kapulungan dahil manggagaling ang selection process sa Kongreso.

Dapat aniya, hindi dapat ikonsidera ng sinumang lumagda at nagsusulong ng impeachment laban kay Duterte ang puwesto na baka maakusahan sila na ginawa lamang nila ito para sa pansariling interes at kagustuhan.

“So prudence is the better part of valor, ‘delikadesa’ is rarely seen in government but I think we can always go back to it and rekindle and refresh it in the minds of our people,” aniya.

Ipinaliwanag pa ni Escudero na sakaling mahatulan na mapatalsik si Duterte, pipili ang pangulo mula sa hanay ng miyembro ng Kongreso, at hindi awtomatiko ang Senate president.

“Hindi porke’t number three ako, number two ang VP at number 1 ang President, number 4 ang Speaker – yung three ang papalit sa two. Hindi,” aniya.

Kailangan pumili ang Pangulo ng magiging bise presidente mula sa miyembro ng Kongresona may edad 40 pataas alinsunod sa batas. Ernie Reyes