Manila, Philippines- Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Commission on Elections sa Laguna hinggil sa bintang na malawakang ‘vote-buying’ ng kampo ni Laguna Governor Ramil Hernandez gamit ang mga health card na pinondohan ng provincial government at patagong pagdadala sa mga botante sa isang warehouse sa Calamba City para umano sa ‘poll watchers’ orientation.’
Noong isang linggo, sorpresang binisita ni Calamba City Comelec Officer Atty. Marx Nicholai Delmo, kasama ang mga pulis, ang isang warehouse sa Bgy. Bubuyan na umano’y pag-aari ni Hernandez. Naaktuhan sa pagbisita ang daan-daang mga botante na binibigyan umano ng ‘poll watchers’ orientation” para sa darating na halalan.
Ayon kay Delmo, “nagulat” pa sila nang malaman na mga residente at botante mula sa Cabuyao ang kanilang naaktuhan at hindi mga residente ng Calamba.
Aniya pa, 258 ‘clustered precincts’ lang ang Cabuyao kung saan dalawang poll watchers lang ang pinapayagan sa bawat kandidato. “Lampas pa sa dalawa (pool watchers), mayroon nang ‘presumption of vote buying,’” paglilinaw ni Delmo.
Ayon pa sa opisyal, marami silang natatanggap na ‘anonymous complaints’ kung saan sinasabing “libo-libo” nang botante ang tinatayang bilang ng mga dinala sa Bgy. Bubuyan lulan ng mga bus mula sa Cabuyao at iba pang lugar sa Laguna.
Sa video ng pagbisita ni Delmo, makikita ang mahabang pila ng mga passenger at tourist bus na sinasakyan ng mga hinahakot na botante ng kampo ni Hernandez, bilang pagpapatunay sa akusasyon.
Sa mga kumalat na impormasyon, binibigyan ng ‘Blue Card’ o ‘health card’ ang bawat dumadalo. Binibigyan din umano sila ng campaign t-shirt ng kampo ni Hernandez, pagkain at ilang libong piso.
Ang health card din ang lumalabas na “pases” ng mga ipinatatawag sa mga seminar ni Hernandez kung saan mayroon umano itong ‘QR Code’ upang ma-monitor ang bilang ng mga taga-suporta ng gubernador at makatanggap umano sila ng pera.
Lumaki pa ang eskandalo matapos makumpirma na ang ipinamimigay na health cards ay pinopondohan ng Laguna Provincial Government.
Tumibay rin ang hinala nang vote-buying ng kampo ni Hernandez gamit ang mga health card matapos makakumpiska kamakailan ng higit 200 piraso sa isang alias “Elsa” sa Cabuyao.
Nagulat din ang mga awtoridad at Comelec na agad dumating ang isang babaeng abogado mula sa kampo ni Hernandez upang tulungan ito.
Ayon sa kampo ni Hernandez, ‘for safekeeping’ lang ni alias “Elsa” ang mga nakumpiskang health cards at hindi pansuhol sa mga botante.
Samantala, gagamitin ng Comelec ang mga health cardsat iba pang mga nakalap na ebidensiya sakaling magtuloy ang pagsasampa ng kasong ‘election offense’ laban kay Hernandez.
Isa rin sa nasisilip na reklamo ay ang paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kasama ang ‘abuse of government resources’ dahil sa maling paggamit ng mga health card na pinopondohan ng gobyerno. RNT