MANILA, Philippines – Kumbinsido ang mayorya o 64% ng mga Filipino na may problema ang demokrasya sa Pilipinas, batay sa non-commissioned survey ng Philippine Observatory on Democracy. Kabilang sa mga pangunahing isyung tinukoy ay ang korapsyon at paglaganap ng fake news.
Ipinresenta ni Ateneo School of Government Dean Philip Arnold Tuaño ang resulta ng survey nitong Martes. Ayon sa datos, 37% ng mga respondent ang nagsabing may malaking problema ang demokrasya sa bansa, habang 27% naman ang nagsabing ito ay minor lamang.
Nang tanungin kung ano ang pinakamalaking problemang kinahaharap ng demokrasya, 67% ng mga respondent ang tumukoy sa korapsyon at pagkalat ng fake news at disinformation bilang pangunahing mga isyu.
Itinuturing naman ng halos kalahati (49%) ng mga respondent na ang misinformation ay isang major problem sa bansa.
Ilan pa sa mga isyung binanggit ay ang:
Bureaucracy (22%)
Nepotism (21%)
Kakulangan ng kredibilidad ng mga institusyon o lider (18%)
Red tape (10%)
Kakulangan ng transparency (10%)
Kakulangan ng paggalang sa karapatang pantao (5%)
Kakulangan ng partisipasyon sa decision-making (1%)
“These perceived problems with Philippine democracy underscore deep-seated anxieties about the integrity of the government and one’s worthiness—two crucial pillars for democratic legitimacy,” ani Tuaño.
Dagdag pa niya, “These highlight issues of both political accountability and media trustworthiness.”
Sa kabila ng mga problemang nabanggit, lumabas sa resulta ng survey na 2 lamang sa bawat 10 Pilipino (20%) ang naniniwala na ang demokrasya sa bansa ay isang “full democracy.” Samantalang 1 sa bawat 10 (10%) ang umamin na hindi nila lubos na naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng demokrasya.
May 4% naman ang nagsabing hindi nila nakikita ang presensya ng demokrasya sa Pilipinas.
Tingin ng mga Pilipino sa mga naging Pangulo
Pagdating sa pananaw ng publiko hinggil sa mga naging Pangulo ng bansa, 62% ng mga respondent ang nagsabing si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang may pinakamalaking kapaki-pakinabang na epekto sa demokrasya, sinundan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na may 49%.
Ayon kay Tuaño, ang dalawang lider, sa kabila ng pagiging “associated with authoritarian practices,” ay nag-ranggo nang mas mataas kumpara sa iba pang post-EDSA presidents.
“The regimes of both leaders—Marcos Sr. and Duterte—are widely documented for serious abuses of democratic principles—Marcos Sr. for suppressing civil liberty under martial law, and Duterte for widespread human rights abuses associated with an anti-illegal drug campaign,” ani Tuaño.
Samantala, 32% ng mga respondent ang nagsabing sina dating Pangulong Fidel Ramos at Corazon Aquino ay may positibong epekto sa demokrasya ng bansa.
Sinundan ito ni incumbent President Ferdinand Marcos Jr., kung saan 31% ng mga respondent ang naniniwalang siya ay nakinabang sa demokrasya.
Kasunod nito ang:
Joseph Estrada (27%)
Benigno Aquino III (26%)
Gloria Macapagal-Arroyo (26%)
Tungkol sa Survey
Ang survey ay isinagawa mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 21, 2024, gamit ang face-to-face interviews sa 842 respondents na may edad 18 pataas. Mayroon itong overall margin of error na ±5.2%.
Ang Philippine Observatory on Democracy ay isang consortium ng academic at civic institutions, kabilang ang:
Ateneo de Manila University
Xavier University–Ateneo de Cagayan
Ateneo de Davao University
Ateneo de Naga University
Ateneo de Zamboanga University
John J. Carroll Institute on Church and Social Issues
Simbahang Lingkod ng Bayan
(Kris Jose)