Home HOME BANNER STORY Boying ‘di takot sa kaso vs pag-aresto kay Digong

Boying ‘di takot sa kaso vs pag-aresto kay Digong

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – “Hindi tayo natatakot diyan.”

Ito ang matapang na tugon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos irekomenda ng Senate Committee on Foreign Relations na imbestigahan ng Office of the Ombudsman ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa agarang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Marso.

Ayon kay Remulla, ginawa lamang nila ang nararapat at pawang para sa kapakanan ng bansa ang kanilang mga naging hakbang. “This is a welcome development. Hindi naman tayo natatakot diyan,” giit pa niya.

Bukod kay Remulla, kasama rin sa mga inirekomendang imbestigahan sina Interior Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicolas Torre III, at Ambassador Markus Lacanilao.

Sa ulat ng komite na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos, posibleng managot ang mga nabanggit na opisyal sa mga kasong grave misconduct, graft, usurpation of judicial functions, at arbitrary detention matapos nilang ipatupad ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte.

Binigyang-diin ni Remulla na handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon upang linawin ang kanilang panig sa isyu. Teresa Tavares