Home HOME BANNER STORY Simbahan pinadlak ng DMW, BI sa illegal recruitment

Simbahan pinadlak ng DMW, BI sa illegal recruitment

MANILA, Philippines – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang simbahan sa Baras, Rizal matapos itong madiskubreng ginagamit bilang front ng ilegal na recruitment operations.

Batay sa ulat, isinagawa ang entrapment operation noong Abril 28 laban sa Faithful Promise Foundation Philippines Inc., kilala rin bilang Faithful Promise of Jesus Christ the Greatest Master Phil. Inc. o Faithful Promise Church in the Philippines, na matatagpuan sa Santo Niño Compound, Sitio Paenaan, Baras, Rizal.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, iniutos niya ang pagpapasara ng simbahan matapos mapatunayang sangkot ito sa ilegal na pagre-recruit ng mga manggagawa patungong Japan, Korea, at Papua New Guinea kahit walang lisensya mula sa DMW.

Ipinahayag ni Undersecretary Bernard Olalia na ang pagsasara ay bunga ng masusing surveillance at ang pagkakaaresto kay Pastora Esclarmonde Estrada Basalio, na umano’y nanghihikayat ng mga aplikante mula mismo sa kanilang kongregasyon.

“May mga nabiktima na ay kapwa parishioners at may ilang na-offload sa airport. Ang masaklap, may bayad pa ang ilegal na serbisyo,” aniya.

Inihayag din ni NBI Cavite North District Chief Czar Eric Nuqui na naniningil umano ang grupo ng ₱50,000 kada aplikante bilang processing fee, sa ilalim ng palabas na sila ay bahagi ng community work o misyonero.

Dagdag pa ni DMW Assistant Secretary Jerome Alcantara, karamihan sa mga aplikante ay pinangakuan ng trabaho bilang factory workers, tea pickers, clerks, mechanical engineers, at construction workers na may sahod na ₱36,000 hanggang ₱120,000 kada buwan.

Ginamit umano ang tourist visa ng mga aplikante, at inutusan silang sabihing sila’y mga misyonero sa Immigration. Ang iba ay hindi nakalusot sa airport (na-offload), may ilan na naipadala na sa ibang bansa, at ang iba ay kasalukuyang naghihintay pa rin ng deployment.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) katuwang ang NBI.

Hinihikayat ng DMW ang sinumang nabiktima ng nasabing religious group na magsumbong sa MWPB sa pamamagitan ng hotline (02) 8721-0619, email [email protected], o Facebook page https://www.facebook.com/dmwairtip para sa agarang tulong at pagproseso ng reklamo. Jocelyn Tabangcura-Domenden