MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national nitong Martes matapos mahulihan ng advanced surveillance equipment malapit sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila.
Kinilala ng NBI ang suspek na si Tak Hoi Lao, base sa kanyang Macau passport. Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, nakuha mula sa pag-iingat ng banyaga ang isang kulay abong Mitsubishi Adventure na may kargang electronic surveillance equipment sa likod ng upuan, pinalalamig pa gamit ang improvised fan upang hindi mag-overheat.
Natukoy ng mga imbestigador ang kagamitan bilang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher — isang high-tech na aparato na may kakayahang hadlangan ang mga komunikasyon sa mobile phone at subaybayan ang mga lokasyon ng iba pang device.
Sinabi ni Lavin na kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso laban kay Lao dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Espionage Act at Anti-Cybercrime Law.
Depensa naman ng dayuhan, siya umano ay isang turista lamang at ang sasakyang kanyang ginamit ay hindi raw sa kanya kundi pag-aari ng ibang tao. Jocelyn Tabangcura-Domenden