Home OPINION BAKIT NASA POSISYON PA SI MARBIL?

BAKIT NASA POSISYON PA SI MARBIL?

ILANG araw na lang ay malapit na ang eleksyon.

At habang lumalapit ang halalan ay dumarami naman ang patayan ng mga politiko.

Damay din sa patayan ang mga miyembro ng media.

Nagtataka naman ako kung bakit nananatili pa rin sa posisyon si Philippine National Police chief PGen Rommel Marbil?

Kasi’y sinasabi ni Marbil at ni Presidential spokesperson Claire Castro na sa kabila ng mga patayang ito, nanatiling tahimik pa rin sa bansa.

Nananatili raw ang PNP na nakabantay para sa kapayapaan at katahimikan sa bansa. Ukininam!

Saan ba kumukuha ng kapal ng mukha ang dalawang ito.

*********

Porke ba hindi masibak-sibak si Marbil dahil maghahalalan na e, papetik-petik lang siya sa de-aircon nyang opisina?

Aba’y dapat namang mahiya si Marbil sa garapalan nang karahasang nangyayari sa bansa, hindi lamang dahil sa malapit na ang eleksyon.

Kusa na siyang mag-resign ngayon pa lang bilang PNP chief at huwag na niyang hintaying “leegan” siya ni Pangulong Bongbong Marcos na sobra nang napahihiya sa mga nangyayaring karumal-dumal na krimen.

Kung sa bagay, tinitibayan na lang ni Marbil ang kanyang mukha kasi’y dapat ay retirado na siya subalit na-extend lang kasi may nagsugat ang tuhod para sa kanya (gumapang ba?-Ed).

Pangit nga naman na kung kailan siya magreretiro, e saka pa siya masisibak sa puwesto.

***********

Tuwang-tuwa si Pangulong Bongbong Marcos dahil sa survey ng OCTA research, nanatili siya sa pinagkakatiwalaang government official sa bansa.

Ngunit hindi sinabi sa press release ng MalacaƱang ang totoo — na lumagapak ang kanyang iskor.

Mula sa 65 porsyento, naging 60 porsyento na lang ang kanyang grado.

O sige, sabihing hindi “substantial” ang paglagapak ng iskor ni PBBM pero ito ay nangangahulugang unti-unting pagkawala ng tiwala ng mga tao sa mga ginagawa ng Pangulo. Hindi fake news yan, Ate Claire ha?