
KAMAKALAWA, nagluto sina Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng bigas-National Food Authority at ipinakita na ligtas itong kainin.
Kaugnay ito ng pahayag noong isang linggo ni Commission on Elections Chairman George Garcia na exempted o hindi kasali ang bigas sa mga bawal na ayuda at balak na ibenta ito magsimula ngayong araw, Mayo 2, 2025 sa pamamagitan ng mga Kadiwa store at mga local government unit.
Pero biglang nagbago ang isip ng Comelec at pinakikiusapan ngayon nito ang DA na huwag munang magbenta at pagkalipas na lang ng eleksyon ito gagawin upang hindi magkulay-pulitika o makitang isang anyo ito ng pamimili ng boto sa parte ng lahat ng kandidato ng administrasyon at iba pa?
Ngunit makikinig kaya ang DA sa kawalan ng nakasulat na kautusan ng Comelec na ipagbawal ito sa harap ng naunang pahayag nito na hindi kasali sa bawal na ayuda ang P20/K na bigas?
Isa pa, mariin ang pahayag ng Comelec na kwestiyonable rin ang anomang pagsali ng mga LGU kung wala silang pondong nakalaan para rito sa 2025 ngunit bigla na lamang silang maglabas ng pondo at sumali sa pagbebenta.
Hanggang sa tinitipa natin ito, mga brad, wala pang kautusan ang Comelec sa pagbabawal sa bentahan ng nasabing bigas.
Tanging ang malinaw na bawal simula sa araw na ito hanggang Mayo 12, 2025 ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) dahil mapupulitika lang ito ngunit hindi kasali ang ayuda para sa maysakit at palibing.
Kung sakaling matuloy ang programa, unang sinabi ng DA na para sa mahihirap, senior citizens, solo parents, at persons with disabilities ang pupwedeng mamili at hanggang 30 kilo lang kada linggo.
Ngunit ngayon, kahit sino pwede nang bumili ng hanggang 40 kilo bawat linggo.
Manong George, ano na, palit-ayuda ba ang P20/K NFA rice?