Home OPINION 24M PINOY BOBO

24M PINOY BOBO

MASAKIT na inilarawan ng Senado ang nadiskubre ng Philippine Statistics Authority na 24 milyong Pinoy ang bobo o functionally illiterate.

Itong 24M, eh, marunong magbasa, magsulat at magkwenta ngunit hindi nakaiintindi ng isang kwento sa Pilipino, English o lokal na salita.

Pwera pa ang 5.86M hindi talaga marunong magbasa, magsulat at magkwenta?

Sakop ng pag-aaral ng PSA ang mga may edad 10 hanggang 64.

Iprinisinta lahat ito sa pagdinig sa kalagayan ng edukasyon sa bansa bilang ulat ng PSA 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS).

Pakunswelo naman ng PSA, 70.8 porsyento o 60,170,000 ang may functional literacy o hindi bobo at nakaiintindi at 93.1% o 79,135,000 ang basically literate o marunong nang kaunti na magbasa, magsulat, magkwenta at nakaiintindi ng kaunti sa kwento o magbigay ng mensahe.

BOBONG HIGH SCHOOL STUDENTS

Ayon pa kay Senador Wherwin Gatchalian, mga Bro, naaalarma ito sa mababang kalidad ng edukasyon sa mga high school, senior high school at high school graduate.

Pakuswelo ni PSA Assistant National Statistician Adrian Cerezo, nasa 79% sa senior high school graduates na nakatapos ng K to 12 ang functionally literate.

Pero nakaaalarma dahil isa sa lima ang hindi kayang umintindi o umunawa ng simpleng kwento, ayon naman kay Gatchalian.

‘Yun bang === sa kabuuan, 18M ang dumaan at grumadweyt sa high school ngunit walang functional literary o hindi marunong magbasa at makaintindi ng kwento, base sa rekord nitong 2024.

PINAKAMATAAS AT PINAKAMABABA

Pagdating sa functional literacy o marunong umintindi, ang Kaigorotan o Cordillera Administrative Region ang may pinakamataas na grado, 81.2%, samantalang sa Zamboanga Peninsula ang may pinakamababa grado, 59.3%.

Sa basic literacy na may kaunting pag-unawa sa kwento at karunungan sa pagbasa, pagkwenta, Central Luzon ang may pinakamataas na grado, 92.8%, habang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamababang grado, 81%.

Ang Tawi-Tawi ang may pinakamababang grado sa functional illiteracy o no read, no write.

Tanong lang, mga Bro: Paano kaya kung isama ang edad 6-9 na nasa elementarya at edad 64 pataas?

Anak ng tokwa, eh, ‘di lalong magkandasemplang-semplang ang usapang edukasyon!

ANO ANG GAGAWIN?

Simula noong naitayo ang Konstitusyong 1987 na ang edukasyon ang pangunahing dapat pagtuunan ng pansin, may matatandaan ba kayong taon na ang Department of Education na may sakop sa Kindergarten, Elementarya, High School at Senior High School ang may pinakamalaking pondo?

May panahon kasing mas higit na malaki ang pambayad sa utang o pondo sa Department of Public Works projects, kasama ang 2023-2025 na flood control projects na umubos na ng mahigit P700 bilyon at uubos pa ng P300B sa 2025 o P1 trilyon na pinagkakaisahang itayo ng mga kongresman, senador at taga-Malakanyang.

May kaso nga ngayon sa Supreme Court ukol sa pambansang badyet na mas malaki umano ang inilaan sa DPWH kaysa sa DepEd.

Sa Senado naman, may paninisi o panawagan sa mga lokal na pamahalaan na kumilos laban sa kabobohan.

Ano-ano nga ba ang mga dapat gawin at sino-sino nga ba ang dapat na managot sa kabobohan ng milyon-milyong estudyante at mamamayang Pinoy?