MANILA, Philippines – Tatlong weather system ang magdadala ng pag-ulan sa bansa ngayong Biyernes, ayon sa PAGASA.
Ang Low Pressure Area (LPA) na nasa 440 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ay nakaaapekto sa Mindanao sa pamamagitan ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), habang ang easterlies naman ang nakaapekto sa nalalabing bahagi ng bansa.
“Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Eastern at Central Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at ilang bahagi ng Bicol dahil sa LPA,” ayon sa PAGASA, na nagbabala rin sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa. Magkakaparehong lagay ng panahon din ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa ITCZ.
Ang Metro Manila at Luzon ay makararanas ng pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies, na maaaring magdulot ng baha o landslide kapag lumala ang panahon. RNT