MANILA, Philippines – Hinamon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa pamamagitan ng opisyal na dokumentong isinumite noong Mayo 1, 2025.
Ayon sa kanyang mga abogado na sina Nicholas Kaufman at Dr. Dov Jacobs, walang bisa ang imbestigasyon ng ICC dahil umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noon pang Marso 2019.
“Pursuant to Article 19(2)(a) of the Rome Statute,1 the Defence for Mr. Rodrigo Roa Duterte hereby respectfully submits a challenge to the exercise of jurisdiction by the International Criminal Court,” saad sa dokumento.
Iginiit nilang walang bisa ang pag-apruba ng ICC sa imbestigasyon noong 2021 dahil lumampas na ito sa panahong saklaw ng hurisdiksyon.
Si Duterte ay nakakulong ngayon sa The Hague matapos maaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga extrajudicial killing sa giyera kontra droga.
Nakatakda ang confirmation of charges sa Setyembre 23, 2025. Humihiling ang kanyang kampo sa ICC ng agarang paglaya, dahil “walang legal na batayan ang lahat ng hakbang sa kaso.” RNT