MANILA, Philippines – Nasabat ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na pinangunahan ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) na nagresulta sa pagkumpiska ng limang abandonadong parcel na naglalaman ng ecstasy at heroin Miyerkules ng hapon, Mayo 7.
Bukod sa NAIA-IADITG na siyang nanguna sa operasyon, ay kinabibilangan din ito ng mga ahensya ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), at ng National Bureau of Investigation (NBI).
Base sa nakalap na report, naganap ang pagsasagawa ng interdiction operation dakong ala-1:00 ng hapon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) na matatagpuan sa Domestic Road, Pasay City.
Ang unang parcel na binuksan ay may tracking number RK 804 354 399 IE na idineklarang “Skin Care Products” na ipinadala ng isang Sean Kelly ng 82 Portmarnock Drive, Portmarnock, Dublin, Ireland D13CF10 na naka-consign kay Kian Bernardo ng Jacana Corner Lawn Street 441, SJV2 BO, Biñan City, Laguna, na naglalaman ng 158 piraso ng dark blue tablets at 104 piraso ng light blue tablets na hinihinalang MDMA/Ecstasy.
Ang isa pang parcel na idineklara din na “skin care products” ay may tracking number na RK 804 372 344 IE na ipinadala naman ng isang Sean Breannan ng 43 Finglas Park, Dublin 11, Dublin, Ireland, D11P027, ay nakumpiskahan ng isang kulay asul na pouch na naglalaman ng 219 piraso ng kulay orange na tabletas na hinihinalang MDMA/Ecstasy kung saan naka-consign naman ito sa isang Anthony Chia ng Metal Crest Fabrication, East Main Avenue, Laguna Technopark, Biñan City, Philippines 4024.
Sa ikatlong parcel na may tracking number RK 804 372 335 IE na idineklara rin na mga “skin care products,” ay ipinadala naman ng isang James Kelly ng 19 Portmarnock Park, Portmarnock, Dublin, Ireland D13CH70 na naka-consign naman kay Gilbert Gamboa ng Blk 15 Unit 44 Castlekeep Apt, Datepalm Street, Malamig, Biñan City, Laguna. Nakumpiska din dito ang isang kulay gray na pouch na naglalaman ng 257 piraso ng kulay orange na tabletas na may kasamang mga sirang tabletas na hinihinala rin na MDMA/Ecstasy.
Sumunod na binuksan ang ika-apat na parcel kung saan nakumpiska dito ang isang kulay puti na pouch na naglalaman din ng 94 piraso ng kulay gray na tabletas na may nakaukit na Audi na pinaghihinalaang MDMA/Ecstasy. Ito ay may kaakibat na air waybill na may bilang RN674788595NL na ipinadala ng isang Julia Saunders ng Heribertlaan 42, 3984 KS Odijk, Nederland at naka-consign naman kay Raffy Parena ng Block 9 Lot 9 Parkdale, Classic 11, Anabu 1-A, Imus Cavite.
Ang ikalimang huling parcel na mayroong air waybill number EE 203 264 143 TH ay binuksan na idineklara namang “kitchen water purifier” kung saan nadiskubre ang isang brown box na may laman na kulay puti na powder na may bigat na 362 gramo ng pinaghihinalaang heroin. Ipinadala ito ng isang Ms. Namooy Sirichai (641-941846) ng 202/131 Moo.9 Soi Paniad Chang, Nongprue, Banglamung, Chonburi 20150 at naka-consign kay Fe Racho Guevarra (+639478646911) ng 845 San Jose St, Brgy Daniel Pajardo, Las Piñas, Philippines 1700.
Ang nakumpiskang ecstasy ay umabot sa 832 piraso at nagkakahalaga ng P1,164,800, habang ang nasabat na 362 gramo ng heroin ay nagkakahalaga naman ng P2,172,000, kung saan may kabuuang halaga ang lahat ng nakumpiskang ilegal na droga sa P3,336,800.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination. (James I. Catapusan/Photo by Jimmy Hao)