Home NATIONWIDE Komedyante pinatahimik, binaril sa mukha

Komedyante pinatahimik, binaril sa mukha

PAMPANGA- BINAWIAN ng buhay habang ginagamot sa ospital ang isang stand-up comedian matapos pagbabarilin sa mukha ng tatlong hindi pa kilalang salarin sa loob ng isang beer house noong Sabado sa Angeles City.

Hindi na naisalba pa ng mga doktor ng Angeles University Foundation Medical Center ang biktimang si Gold Dagal, 38, sanhi ng tama ng bala sa katawan at mukha.

Batay sa report ng Angeles City police, naganap ang krimen noong Sabado ng gabi sa loob ng Pampanga’s Jest bar, sa naturang lungsod.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, umiinom ng beer ang biktima sa loob ng nasabing bar ng biglang dumating ang tatlong kalalakihan.

Dito, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinagbabaril ang biktima sa mukha at iba pang parte ng katawan saka mabilis na tumakas.

Kaagad naman dinala sa ospital ang biktima subalit makalipas ang 9 na oras at nalagutan din ito ng hininga.

Ayon naman sa ina ng biktima na si Jocelyn Cruz, kaduwagan ang ginawang pagpaslang mga suspek sa kanyang anak.

Aniya, posibleng ang mga suspek ay isa sa mga na-offend ng kanyang anak sa mga jokes nito.

Kilala si Dagal sa kanyang mga biro, at komentaryong may kaugnayan sa isang relihiyon.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip./Mary Anne Sapico