Home OPINION 4 PINOY SUGATAN SA ISRAEL-IRAN WAR

4 PINOY SUGATAN SA ISRAEL-IRAN WAR

180
0

SINASABI NI DFA Undersecretary Eduardo de Vega na may nasugatang apat na Pinoy sa Rehovot, Israel kaugnay ng giyerang Israel at Iran.

Inaasikaso na umano ang kalagayan ng mga biktima ng Philippine Embassy sa nasabing bansa.

May 30,000 Pinoy sa Israel at may 1,000 naman sa Iran.

Sana naman, hindi na madagdagan pa ang madadamay sa giyera na kababayan natin.

Ngunit dapat alalahanin na hindi na lang ang mga base o kampo militar at pasilidad ng gobyerno ng magkabilang panig ang binobomba, mini-missile, dino-drone at at iba pa kung maging ang mga bahay o gusali, lugar ng komersyo at industriya, mina at planta ng langis, paaralan, ospital at iba pa.

Habang tinitipa natin ito, marami sa mga nagigiba at nasusunog na istruktura at pasilidad ang hinuhukay para mahanap ang mga nasunog, nadaganan, namatay, survivor at iba pa.

Sa apat na araw nang giyera, nasa 100 na ang namamatay, karamihan sa Iran, at daan-daan na ang nasusugatan.

NADADAMAY SA IBANG PARAAN

Bukod sa direktang biktima ng mga missile, bomba at drone, nadadamay rin sa ibang paraan ang mga nagtatrabaho sa mga minahan at planta ng langis, kasambahay sa mga nawawasak na tahanan, empleyado sa mga nasirang negosyo at struktura, airport at iba pa.

Imposible ring walang namamatay at nasusugatang mga employer na may mga empleyadong Pinoy.

Tiyak na may mga naaapektuhan o nawawalan ng trabaho sa mga ito dahil sa pagkamatay o pagkakasugat ng kanilang mga employer, pagkasira ng mga negosyo at iba pa.

Kaya naman, bukod sa pagkawala ng kita ng mga Pinoy sa dalawang bansa, tiyak na madadamay ang mga umaasa sa kanila sa Pilipinas sa kawalan ng matatanggap nilang remittance o padala.

Ano-ano na ang mga aksyon ng ating gobyerno sa mga problemang ito?

Siguro, upang matugunan ang mga ito, dapat na makipag-ugnayan mismo ang mga Pinoy na nadadamay sa mga embahada o konsulado natin upang maayudahan sila at ang mga pamilya-OFW sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa Pilipinas gaya ng Overseas Workers Welfare Administration at local government units.

Lalo na kung magpapatuloy at magtatagal ang digmaan at magbubunga ng pag-uwi ng mga Pinoy na luhaan o walang-wala.

DAMAY ANG PILIPINAS

Kabilang ang Pilipinas sa higit na nakararaming bansa na nananawagan para sa pagtigil ng digmaan at dapat lang para rin sa maayos na pang-ekonomiyang kalagayan ng mundo.

Makaraan nga lang na unang bombahin ng Israel ang mga plantang nukleyar at base militar ng Iran, at sumunod ang mga planta at refinery ng langis ng Iran, agad na nagbunga ito ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at lalong sumirit ang presyo ng krudo nang gumanti ang Iran sa Israel sa pag-missile din sa oil facility nito sa Haifa.

Kaya, maaaring sa susunod na linggo, madaragdagan ang oil price hikes sa diesel, gasolina at gaas sa Pilipinas na makasasama sa ekonomiya ng Pilipinas.

Kapag nagmahal ang mga produktong petrolyo, tiyak na magbubunga rin ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil idaragdag ng mga negosyante sa presyo ng mga produkto nila ang gastos nila sa magmamahal na transportasyon.

Sana nga, tumigil ang digmaan sa pinakamadaling panahon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here