Home OPINION 27M ESTUDYANTE, MAGIGING ‘BRIGHT’ NA BA?

27M ESTUDYANTE, MAGIGING ‘BRIGHT’ NA BA?

MARAMING proyekto ang Department of Education upang maging marunong o “bright” ang mga estudyante at sisigla sa pagtuturo ang mga guro.

Isa rito ang pagdadagdag ng 20,000 na guro ngayong taon upang pagaanin ang bigat na pinapasan ng mga guro na magturo sa sobra-sobrang bilang ng mga estudyante.

Isang ibubunga nito ang pagbabawas ng pagod ng mga guro na magturo sa mga eskwelang may mga dalawa o tatlong shift sa isang araw at pagkatapos, may sobra pang mga gawa gaya ng pag-aayos ng papeles ng mga estudyante at pagre-report sa DepEd.

Nariyan din ang pamimigay ng mga gamit sa teknolohiya gaya ng mga laptop sa mga guro at staff upang mapabilis at mapagaan ang trabaho ng mga ito.

May ipamamahagi ring mga smart television na magpagagaan sa pagtuturo at magpasisigla sa pag-aaral.

Sisimulan din ang pagtuturo ukol sa ‘artificial intelligence’ na magsisilbing katulong mga guro at estudyante sa pag-aaral.

Bukod sa DepEd, may mga indibidwal o organisasyon at local government unit na aktibo ring namimigay ng mga pangangailangan ng mga estudyante gaya ng mga bag, lapis, bolpen at iba pa.

Tila pupursigihin din ng DepEd sa ilalim ni Secretary Sonny Angara ang pagtatayo ng karagdagang 100K classrooms hanggang 2028 upang mabawasan ang 165,000 kakulangan dito.

Magiging sapilitan na rin yata ang mga summer class para sa mga nakikitang kabisote bilang remedyo para matuto silang makaintindi sa kanilang mga binabasa o kinukwenta.

Meron na ring panukalang batas upang magkaroon ng ‘medical allowance’ ang mga guro, bukod sa mga benepisyo nila sa kalusugan sa Malasakit Centers, PhilHealth at iba pa.

Marami talagang programa upang matulungan ang mga estudyante at mga titser.

Sana maging bright na ang mga bata at magtagumpay ang edukasyon sa Pilipinas.