Home NATIONWIDE Namumuong bagyo, binabantayan

Namumuong bagyo, binabantayan

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na panahon at kalat-kalat na pag-ulan ang Low Pressure Area (LPA) at Habagat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, ayon sa PAGASA.

Namataan ang LPA sa layong 210 kilometro kanluran-timogkanluran ng Cubi Point, Subic Bay, o 290 km kanluran ng Ambulong, Batangas. Patuloy ding nakaapekto ang Habagat sa Southern Luzon, Visayas, Mindanao, at Central Luzon.

Inaasahang magkakaroon ng pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Pangasinan, Zambales, at Bataan. May bantang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan.

Maaari ring makaranas ng parehong lagay ng panahon ang Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at iba pang bahagi ng Central Luzon.

Ang natitirang bahagi ng Luzon at ng bansa ay makakaranas ng maulap na kalangitan at posibleng panaka-nakang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms o Habagat. Maaaring magdulot ito ng flash floods o landslide lalo na sa matitinding thunderstorm. RNT