MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang isang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran, na posibleng magtapos sa 12-araw na labanan na nagpalikas sa milyun-milyong tao sa Tehran at nagbanta ng mas malawak na digmaan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Trump, na siya raw mismo ang namagitan sa kasunduan sa pamamagitan ng tawag kina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at mga kinatawan ng Iran, pinuri niya ang dalawang bansa sa “tapang at talinong” ipakita sa pagwawakas ng tinawag niyang “12-Day War.”
Kinumpirma ni Iranian official Abbas Araqchi na bukas ang Iran sa tigil-putukan kung ititigil ng Israel ang mga opensiba bago mag-4 a.m. ng Martes, oras ng Tehran. Wala nang naiulat na pambobomba mula noon. “Ang pinal na desisyon tungkol sa pagtigil ng aming operasyon ay iaanunsyo pa,” ani Araqchi sa X.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa Israel. Ayon sa isang mataas na opisyal ng White House, pumayag ang Israel sa kasunduan basta’t hindi na muling umatake ang Iran, at may ilang oras pa para tapusin ang kasalukuyang operasyon bago tuluyang ipatupad ang tigil-putukan.
Nagsimula ang tensyon nang salakayin ng Israel, kasama ang U.S., ang mga nuclear facility ng Iran dahil umano sa bantang malapit nang makabuo ito ng sandatang nuklear. Mariing itinanggi ito ng Iran.
Nagpakita ng positibong reaksyon ang mga merkado—tumaas ang U.S. stock futures at bumaba ang presyo ng langis.
Gayunpaman, nananatili ang tensyon. Dalawang beses naglabas ng evacuation alert ang militar ng Israel sa Tehran, habang tumunog ang mga alarm sa Golan Heights dahil sa posibleng paglusob ng kalaban sa himpapawid. RNT