Home OPINION PADALA NG MGA OFW INUUBOS SA PULITIKA

PADALA NG MGA OFW INUUBOS SA PULITIKA

DAPAT mabilis na kumilos ang pamahalaan at mga lider ng bansa sa paggawa ng paraan na maligtas sa kapahamakan o makaalis sa Israel ang mga overseas Filipino worker at iba pang Pinoy na gustong bumalik na sa bansa o lumayo roon sa halip na ubusin nila sa mga away-pulitika ang mga padala ng mga Pinoy at OFW.

Walang palatandaan na huhupa sa mga araw na ito ang mabangis na bombahan ng Iran at Israel na may masamang epekto sa mga Pinoy at OFW.

Ayon sa Philippine Embassy sa Israel, dalawa ngayon ang nasa kondsiyong seryoso bunga ng pambobomba ng Iran sa Israel.

Nasa 127 naman ang nasiraan ng bahay at 118 sa mga ito ang nasa mga pansamantalang tirahan at nasa 223 ang gustong umuwi sa Pilipinas.

Sa ganitong mga kalalagayan ng mga OFW sa Israel, pangunahing pagbabakwit pabalik sa Pinas o sa mga ligtas na lugar o bansa ang dapat na prayoridad.

Sa mga ayaw umalis, proteksyon sa kanila sa pinakamataas na antas ang inaasahan nila – pagkain, gamot, pinansyal at iba pa.

DIGMAAN BABANGIS PA

Bagama’t pansamantalang itinigil ng United States ang pambobomba sa tatlong plantang nukleyar sa Iran, lumikha naman ito ng pinaniniwalaang mas matagal at mas malawak na digmaan sa Middle East.

Halimbawa, isasara na umano ng Iran ang Strait of Hormuz na daluyan ng 20% langis para sa buong mundo ngunit hindi pa malinaw kung paano ipapatupad ito at ang masaklap, pati Pinoy seamen ay maaapektuhan.

Ang pagpapalubog kahit sa isang barko ng US o Israel ay tiyak na lalong magpapalagablab sa giyera.

Ang pag-atake ng Iran sa mga nakapalibot dito na base militar ng US gaya ng mga nasa Iraq at Saudi Arabia op Bahrain ay tiyak ding magpapalala sa giyera.

Dito dapat na paghandaan ng ating pamahalaan ang paghahanda ng mga OFW at iba pang mga Pinoy sa mga bansa sa Gitnang Silangan sa giyera.

Higit na marami ang mga OFW at iba pang mga Pinoy sa ibang mga Arabong bansa kaysa sa mga nasa Israel.

Halimbawa, may 865,121 Pinoy sa Saudi Arabia, 241,109 – Qatar, 56,000 – Bahrain at mahigit 40,000 – Jordan.

MAGKAISA, MAGTULUNGAN

Dapat na magkaisa ang lahat ng pwersa ng pamahalaan sa pag-ayuda sa mga Pinoy sa naaapektuhan at maaapektuhan pa ng giyera.

Sa ngayon, nahahati at lumalabas na higit pang pinagtutunan ng pansin, pinagkakagastusan ng salapi at pinag-uubusan ng panahon ng maraming opisyal mga awayan nila gaya ng impeachment lalo’t may epekto ito sa agawan nila sa pwesto sa 2028.

Dapat bawasan nila ang awayan at ituon ang higit nilang pansin sa kalagayan ng mga Pinoy na nagpapadala ng nasa P1 trilyong salapi sa Pinas sa bisa ng padala o remittance.

Aminin man nila o hindi, bahagi ng ginagastos ng mga nag-aaway na politiko, lalo na ang mga nasa pamahalaan, ang nagmumula sa mga padala ng mga Pinoy o OFW.

Anak ng tokwa, mahiya naman kayo!