
HINDI madaling harapin ang problemang dulot ng giyerang Iran-Israel.
Heto nga’t mula P1.50-1.80 kada litro nitong nakaraang Martes, lulundag pa ang presyo ngayong araw ng Martes gaya ng P2.50-3.00 sa gasolina, P4.30-4.80 sa diesel at P4.25-4.40 sa kerosene o mas mataas pa.
Tiyak, agad na magtataas ang presyo ng mga bilihin dahil isasama sa kwentahan ng presyo ang gastos sa transportasyon at produksyon.
Tatama ito nang labis sa karaniwang hindi tumataas ang kita gaya ng mga obrerong sakop ng minimum wage, mga patay-sindi ang hanapbuhay at lalo sa mga tambay na hindi tamad ngunit wala lang mapasukang trabaho.
Malaking butas sa bulsa rin ang mataas na presyo ng petrolyo sa mga hindi maiiwasang bumiyahe araw-araw gaya ng mga driver ng jeepney, tricycle at rider at mga vendor ng mga pagkain na kerosene ang gamit.
Paano ang mga magsasaka na karaniwang gumagamit ngayon ng mga generator sa pag-aararo at pagbiyahe ng kanilang mga produkto at hindi na kalabaw?
Ang mga mangingisda naman na hindi sagwan ang gamit kundi mga generator at makina, paano?
Bukod sa problema sa mga produktong petrolyo, hindi rin biro-biro ang dinaranas na kasiraan sa kalusugan, kita, deployment at remittance ng mga overseas Filipino workers.
Alalahaning napakasama ang epekto ng giyerang sa mga OFW na nasa Israel, Iran, Lebanon at Jordan at tiyak na nagsisimula nang maramdaman din ito ng mga pamilya-OFW sa Pinas dahil sa problema sa remittance.
Ang dalangin lang natin, hindi magtatagal ang digmaan at hindi rin lalawak na pagmulan ng mas malawak na digmaan lalo’t naggigirian ang mga may kinakampihan gaya ng United States at United Kingdom sa panig ng Israel at China at Russia sa panig ng Iran.
Kapag magtatagal, lalawak at babangis ang digmaan, paghandaan na natin ang mas masamang kalagayan.