
BAGO ang lahat, sinserong pakikiramay sa pamilya ng ating kaibigan na Customs Deputy Commissioner Atty. Vener Baquiran at pamilya, sa pagpanaw ng kanyang ama na si Juanito Macatangay Baquiran Sr. nitong Hunyo 20. May God bless his soul.
***
Hindi na tayo magtataka, PTFoMS Usec. Joe Torres, kung biglaan, isang araw, bigla na lang “magkagulo” sa hanay ng ating mga kapatid sa media at awayin ang dalawa nilang kasama sa isang ‘major police beat.’
Ang dalawang “kumag” na nabanggit ay mula naman sa dalawang kilalang network na alam din nating hindi kunsintidor sa mga kabulastugan ng kanilang mga reporter dahil nga apektado ang kredibilidad ng kanilang istasyon.
Ang siste, kamakailan lang nabisto ng kanilang mga kasamahan sa police beat na aabot na pala sa DALAWANG TAON, Boss Joey Venancio, ang ginagawang PAMBUBUKOL sa kanila nitong si alyas ‘Batman en Robin,’ aguy!
Eh, mabuti sana kung maliit na “pitsa” lang ang pinag-uusapan dito, mga “kapatid,” dahil kung totoo ang ‘info,’ aba’y higit pa sa P12 milyon ang “biniyak” nitong dalawang ito sa nakaraang dalawang taon o higit P600K kada buwan, sanamagan!
Abah, antagal din nating ‘nag-cover’ sa police beat pero hindi pa natin nalaman na mayroon palang police beat, kasamang Alfred Dalizon ng Journal Group, na ganyan kalaking halaga ang “parating” para sa media!
Eh, saan kaya nanggaling ang ‘sandamukal na salaping ‘yan? Dangan kasi, “anlufet” ng “intelihensiya” kapag ganyan he!he!he!
Sakali namang sa isang ‘press conference’ nitong ating kaibigan na si Philippine National Police chief PGen. Nicolas Torre III, ay biglang may mga reporter na nagtatanong sa kanya habang nakasuot ng ‘Kevlar’ at naka-bullet proof vest, huwag na rin siyang magtaka.
Kasi nga naman, mahirap talagang “mabukulan” at “masaksak” ng patalikod dahil bukod sa nakahihilo, nakapanghihina ng katawan, ahahay!
Abangan!