Home OPINION PAGKASIRA AT PAGKAANTALA

PAGKASIRA AT PAGKAANTALA

244
0

NITONG Lunes, bumigay ang Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan habang tinatawid ito ng tatlong malalaking truck, bawat isa ay kargado ng tig-18 tonelada ng palay. Itinayo mahigit tatlong dekada na ang nakalipas para sa magagaang na sasakyan, gumuho ang tulay sa loob lang ng ilang segundo, pinutol ang pagkakonekta ng ilang barangay sa hilaga sa mismong bayan, kaya napilitan ang mga motorista na umikot na lang sa Gattaran at Baggao.

Kaagad na sinisi ng mga awtoridad ang mga overloaded na truck. Wala akong intensiyon na iiwas sa pananagutan sa kapabayaan ang mga nasa truck, pero iyon kasi ang pinakamadaling paliwanag sa nangyari. Gayunman, ang masaklap na katotohanan ay ang gobyerno, hindi ang mga truck, ang may responsibilidad na tiyaking nakaaagapay sa panahon ngayon ang mga pampublikong imprastruktura.

Ang mga tulay sa probinsiya na itinayo sa panahon na sa kalabaw pa nakasalalay ang lokal na ekonomiya, ay inaasahang kakayanin ang bigat ng mga container truck at farm trailer. Ang pagpapatibay sa mga ito ay pangunahing tungkulin ng — teka, anong ahensya nga iyon? Oh, ang Department of Public Works and Highways! Ang problema, naiisip lang ng DPWH na obligasyon nga pala nila ito tuwing nagkakaroon ng ganitong aberya.

Prangkahan lang, kung ang pag-iinspeksyon sana ng DPWH sa mga imprastruktura ay kasing sipag ng pagpapayaman nila, hindi sana nangyaring bumigay ang tulay. Ang sariling korapsyon ng ahensya, na ngayon ay nababalita sa mundo dahil sa mga kunwa-kunwaring bidding, sabwatang kickback, at ghost projects, ay tumagos na sa mismong pundasyon nito.

Wala nang magugulat kung ang tulay na bumigay ay madiskubre kalaunan na isa na namang casualty ng substandard materials at kapabayaan. Sa katunayan, si Secretary Vince Dizon, na nagmana ng ahensiya ng kabulukan, ay mukha na ngayong mas matanda pa sa kanyang tiyuhin. Sino namang hindi kung bawat linggo, nagugulantang siya ng mga natutuklasan niyang ilang dekada na ng kapabayaan, na solo niyang responsibilidad na patinuin?

Ang tindi ng iskandalong nakakulapol na ngayon sa DPWH ay lumalim pa at umabot hanggang sa mismong mga silid-aralan kung saan hinuhubog ang kinabukasan ng ating bansa. Isang araw makaraang gumuho ang tulay, inamin ng DPWH ang isa pang eskandalo — nasa 2,200 ang hindi nakumpletong classrooms sa bansa.

Mismong si Education Secretary Sonny Angara ang nagbunyag na mahigit 1,000 school buildings na ginawa ng DPWH ang hindi tapos o hindi maaaring gamitin. Nauna rito, sa pagsisimula ng pasukan, nagbabala pa nga siya na sa tinatakbo ng budget at trabahong katumbas nito, aabutin ng 55 taon bago maresolba ang 165,000-classroom backlog sa bansa.

Hindi ba’t mas nakalulungkot ang pahayag na ‘yan ngayong alam na natin kung gaano kabulok ang kalakaran sa DPWH, bago ito pamunuan ni Dizon? Nagugulat nga ako na hindi pa nagagalit si Angara! O marahil, umiiwas siyang magalit dahil dati siyang bahagi ng Senado na pumirma sa mga budget na kalaunan ay nadiskubreng ipinondo sa mga ghost project na ito.

Kung malinis si Angara at walang bahid putik kaugnay ng paglalarawan ni Sen. Ping Lacson na “almost all senators had budget insertions” noong 19th Congress, ngayong siya na ang DepEd Chief, dapat na paninindigan ni Angara ang moral duty at batikusin ang problemado nang sistema.

Hayaan niyang makita ng taumbayan kung paano siya magalit, gigil na protektahan ang kanyang mga estudyante na ninakawan hindi lang ng mga silid-aralan kundi maging ng kanilang kinabukasan. Dapat na may managot, alisin ang kickback sa budget, at hindi na dapat pang publiko ang magdusa sa kabulukan sa loob ng DPWH na nagresulta sa pagkasira at pagkaantala.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here