Home NATIONWIDE 67K BARMM farmers bibiyayaan ng sariling lupa

67K BARMM farmers bibiyayaan ng sariling lupa

Mamamahagi ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng 113,917.89 hektarya ng lupang pang-agrikultura sa 67,777 na benepisyaryo ng agrarian reform (ARBs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay MAFAR-BARMM Minister Mohammad Yacob, layunin ng pamamahagi na itaguyod ang inklusibong paglago at sosyal na pagbabago sa rehiyon. Bahagi ito ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na naglalayong mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Ang pamamahagi ng lupa ay kinabibilangan ng 53,364.75 hektarya sa Maguindanao, 32,251.10 hektarya sa Lanao del Sur, 11,475.55 hektarya sa Basilan, 9,020.87 hektarya sa Sulu, 7,060.65 hektarya sa Tawi-Tawi, 1,127.81 hektarya sa Special Geographic Areas, at 760.52 hektarya sa Cotabato City.

Ang hakbang ay sumusunod sa isang memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan noong Nobyembre 2023 nina DAR Secretary Conrado Estrella III at BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.

Ang Department of Agrarian Reform (DAR) at MAFAR ay magkasamang magbibigay ng suporta sa sektor ng agrikultura sa rehiyon sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa at serbisyo na layong paigtingin ang produktibidad at tiyakin ang pangmatagalang sustainability. Santi Celario