Home NATIONWIDE ASEAN Scholarship alok ng Singapore sa Filipino studes

ASEAN Scholarship alok ng Singapore sa Filipino studes

MANILA, Philippines – Ang gobyerno ng Singapore ay tumatanggap na ng aplikasyon para sa kanilang ASEAN scholarship para sa mga Filipino na estudyante mula Grade 9 pataas. Ang scholarship mula sa Ministry of Education ng Singapore ay may bisa sa loob ng apat na taon, mula sa Secondary 3 hanggang Pre-University 2, at maghahatid sa Singapore-Cambridge GCE A-Level certificate o katumbas nitong kwalipikasyon.

Ire-renew ito taun-taon batay sa performance ng estudyante sa paaralan.

Bukas ang scholarship para sa mga Filipino na ipinanganak mula Enero 2, 2009 hanggang Enero 1, 2012, at kasalukuyang nasa Grade 9 o mas mataas na baitang.

Kailangan ding mahusay sa Ingles, may magandang academic record, at aktibong lumalahok sa mga co-curricular activities. Saklaw ng scholarship ang mga gastusin tulad ng annual allowance, hostel accommodation, paminsang airfare, school fees, at medical insurance.

Sinabi ni Constance See, ang Ambassador ng Singapore sa Pilipinas, na ang Ministry of Education ang magtatakda ng tamang baitang na sisimulan ng mga aplikante. Noong 2023, 15 estudyante ang nabigyan ng scholarship, at inaasahan ang hindi bababa sa 22 sa 2024. Ang deadline ng aplikasyon ay sa Pebrero 21, 2025.

Para sa karagdagang detalye, maaaring bisitahin ng mga interesado ang website ng Ministry of Education: ASEAN Scholarships for The Philippines-MOE. RNT