Bulacan- Nasa P1,538,504.80 halaga ng ilegal na droga nasamsam habang 68 indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa lalawigang ito.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police director PCOL. Satur Ediong, ikinasa ang kaliwa’t kanang operasyon simula December 2 hanggang December 8 ng taong kasalukuyan.
Nabatid na umabot sa 40 ang ikinasang operasyon ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa naturang lalawigan kung saan nasa 68 drug suspects ang naaresto.
Nakumpiska sa mga operasyon ang 222.02 gramo ng shabu at 239.74 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na P1,538,504.80.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa mga istasyon o yunit na humuli sa kanila. Dick Mirasol III